Ni Liezle Basa Iñigo
Nakaalerto ngayon ang tropa ng pamahalaan sa San Mariano, Isabela matapos sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng Civilian Active Auxiliary (CAA) at New People’s Army (NPA), nitong Biyernes ng umaga.
Inihayag ni PO3 Jhonimar Baingan, ng San Mariano Police, na aabot sa 10 minuto ang bakbakan ng dalawang panig matapos mamataan ang mga rebelde sa Barangay Casala, San Mariano.
Binanggit ni Baingan na hina-harass umano ng nasabing mga rebelde ang mga tauhan ng CAA, na pinamumunuan ni S/Sgt. Leslie Partido, sa naturang barangay matapos pagbabarilin ang detachment ng civilian forces sa lugar.
Hindi pa matiyak ng pulisya kung ilan ang natamaan sa grupo ng mga rebelde, na umatras din sa bakbakan nang gantihan sila ng putok ng tropa ng pamahalaan.