TAMPOK ang mga kabataang Bulakenyo na kinabibilangan nina International players Karl Victor Ochoa, Dennis Gutierrez III at Jeremiah Luis Cruz sa pagtulak ng 1st Mayor Christian D. Natividad Fiesta Republica Open Master Chess Championship sa Pebrero 24 sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos City.
Sina Ochoa , Gutierrez III, Cruz, mga ipinagmamalaki ng nasabing lungsod ay nagbigay na ng karangalan sa bayan matapos manalo sa iba’t ibang pang internasyunal na chess competition sa abroad particular na ang World Youth Chess Championship, ASEAN Age group chess championships at Tagaytay Asian Junior chess championships.
“Nagpapasalamat po kami kay Mayor Christian D. Natividad na patuloy na sumusuporta sa mga kabataan partikular na sa mga programa sa sports lalung lalo na sa chess,” sabi ni sports chess organizer Reden Cruz.
“Ang butihing Mayor Natividad mas kilala sa tawag na Dakilang Agila ng Bulacan ay sumusuporta din sa Motorcross, Basketball, Badminton at Swimming,” ani Cruz na head chess coach ng Malolos Chess Club at dating chess coach ng Bulacan State University (Bulsu) sa Malolos.
“Isa sa layunin ng event na ito ay makatuklas sa susunod na yapak nina grandmasters Mark Paragua at Roland Salvador na ipinagmamalaki ng Bulacan na pagpapalaganap na din ng larong chess sa grassroots level at para makaiwas na din ang mga kabataan sa masasamang bisyo,” dagdag ni Cruz.
Nakataya ang P20,000 plus trophy sa Division A Non-Master event, P10,000 plus trophy, certificate at chess set sa Division B kiddies 14 and under at sa Division C Master Open division na P10,000 plus trophy. - Gilbert Espeña