Ibinahagi ni dating Gilas Pilipinas standout Kiefer Ravena ang kaniyang saloobin hinggil sa nananatiling hindi pagkuha sa kaniya sa national team.
Sa panayam sa kaniya ng isang sportscaster kamakailan, iginiit ni Kiefer na mismong ang pamunuan ng Gilas ang hindi na lamang nagparamdam sa kaniya.
“Hindi lang naman talaga ako kinukuha (sa Gilas Pilipinas), whatever the reason may be,” ani Kiefer.
Kaugnay nito, muli ring inanunsyo ni Kiefer ang kaniyang pagreretiro mula sa naturang koponan.
“Pero either way, retire na rin naman ako sa national team,” saad niya.
Matatandaang taong 2023 pa nang huling lumaro si Keifer para sa Gilas sa ilalim ng pamumuno ni noo'y Gilas Pilipinas Head Coach Chot Reyes.
Matapos magkaroon ng palitan ng liderato sa national team kung saan itinalaga ang batikang basketball coach na si Tim Cone, kabilang si Kiefer sa ilang manlalarong hindi na umano tinawagan para sa koponan.
Sa kasalukuyan, nakapirma at naglalaro pa si Ravena para sa Ryukyu Golden Kings sa Japan bilang isang Asian Quota Player sa Japan B.League.
Bago lumarga bilang guest player sa ibang bansa, nauna nang sumalang sa Philippine Basketball Association (PBA) si Keifer at lumaro para sa NLEX Road Warriors.