Ni Genalyn Kabiling, Beth Camia, at Leonel Abasola
Iginiit kahapon ng Malacañang na tanging temporary restraining order (TRO) lamang ang makapipigil sa suspensiyon kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque, at minaliit ang naglabasang haka-haka na magkakaroon ng “standstill” bunsod ng pagsuspinde ni Pangulong Duterte kay Carandang.
Binanggit ni Roque na “nanindigan ang pangulo na ipatupad ang batas” laban kay Carandang.
“There is no impasse. The President is the chief implementor of the law and he will enforce the law. Without a TRO, we will implement the law,” pagdidiin ni Roque nang magpatawag ito press conference sa Baguio City.
Nanindigan din si Roque na binibigyan nila ng due process ang kaso ni Carandang ngunit, maaari rin aniyang magtungo sa korte s Carandang kung ang paniwala nito ay labag sa batas ang ibinabang suspensiyon.
“Let him go to court but we will implement the law. There cannot be an impasse, there’s only one sitting president in this country, and he will implement the law,” ani Roque.
Una nang nanindigan ang Palasyo sa ipinataw na suspensiyon kay Carandang sa kabila ng ruling ng Korte Suprema noong 2014 na nagsasabing hindi nakabatay sa Konstitusyon ang naging aksyon ng pangulo.
Ibinaba ang nasabing 90-araw na suspensiyon nitong Enero 26 at sinampahan si Carandang ng grave misconduct at iba pang demanda dahil sa “maling paggamit umano nito ng confidential information at pagpapalabas ng hindi totoong impormasyon.
Gayunman, tumanggi si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na ipatupad ang suspension order, at iginiit na labag ito sa Saligang Batas at nakasisira pa umano sa pagiging independent ng Office of the Ombudsman.
Binalaan naman ni Presidential Chief Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo si Morales na maaaring maharap sa reklamong impeachment kung hindi nito ipatutupad ang suspensiyon.
Aniya, kung mapatutunayang malisyoso ang nasabing statement mula kay Morales ay posibleng maikonsidera itong betrayal of public trust, na isang impeachable offense.
Umani naman ng suporta si Morales sa kanyang paninindigan, partikular na mula sa ilang senador.
“I fully support the position of Ombudsman Morales to defy what is clearly an illegal and unconstitutional order by Duterte and his minions to suspend ODO Carandang,” sabi ni Senator Antonio Trillanes IV.
Sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan na ipinatutupad lamang ng Ombudsman ang desisyon ng Korte Suprema.