Ni Ric Valmonte
SINUSPINDE ng Office of the President si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang sa loob ng 90 araw kaugnay sa kasong isinampa sa kanya, isa na rito ang grave misconduct, dahil sa paghahayag niya sa umano sa tagong yaman ni Pangulong Duterte. Legal ito, ayon kay Solicitor General Jose Calida. “Maliwanag ang Saligang Batas na ang Ombudsman ang tanging pwedeng disiplinahin sa pamamagitan ng impeachment,” wika niya. Pero, aniya, walang sinasabi ang Saligang Batas tungkol sa mga deputy ombudsman. Pero, nang nilikha ang Ombudsman Act, niliwanag nito na ang kapangyarihang magdisiplina ay ibinigay sa Pangulo. Pumalag si Ombudsman Conchita Morales. “Unconstitutional ang kautusang sinsuspinde si Carandang at ito ay hindi ko papayagan ipatupad,” sabi ni Morales.
May nauna nang kaso tungkol dito. Ito iyong naging bunga ng madugong hostage na naganap sa Rizal Park noong August 23, 2010. Pinaslang ang mga estudyanteng intsik ng isang pulis na nasa loob ng bus na inagaw niya. Ang kanyang reklamo ay inupuan ni dating Deputy Ombudsman for the military and other law enforcement officer Emilio Gonzales III.
Tinanggal sa serbisyo ni dating Pangulong Noynoy si Gonzales. Nang iapela ni Gonzales ang kanyang dismissal sa Korte Suprema, dahil, aniya, walang hurisdiksyon sa kanya ang Office of the President, kinatigan siya ng korte. Sa Section 8 (2) ng RA 6770 o Ombudsman Act na nagbibigay ng diciplinary authority sa Office of the President sa mga deputy ombudsman, ito umano ay labag sa Saligang Batas, dahil nilalabag nito ang prinsipyong malayang opisina ng Ombudsman.
“Ang opisina ng Ombudsman”, sabi ng Korte, “ay protector of the people” laban sa mga inept, abusive at corrupt sa gobyerno at nagsisilbing sumbungan ng taumbayan.”
Nagwagi si Gonzales at nakabalik siya sa kanyang pwesto. Pero ang naging botohan ng mga mahistrado ay 8-7 para kay Gonzales. Dahil sa naging ganito ang botohan, kailangang bigyan ng panibagong pag-aaral, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang kaso ni Gonzales. Kaya, maliwanag ang layunin ng Office of the President. Nais nitong baligtarin ng SC ang kanyang naunang desisyon sa kaso ni Gonzales. Kung sakaling makarating ang kaso ni Carandang sa Korte Suprema, hindi ako magtataka na magagamit na naman dito ang pwersa ng super majority na ilang beses nang naganap sa mga isyung tinalakay ng Kongreso. Kasi, may mga mahistradong nahirang na ng Pangulo. Madaling baligtarin na ang 8-7 na pumabor kay Gonzales lalo na ang ibinibintang na kasalanan ni Carandang ay ang kanyang pagpapalabas ng mga dokumento na nagpapakita ng napakalaking salaping nakatago sa mga bangko na nasa pangalan ng Pangulo at kanyang anak na si Davao City Mayor Sara.