Ni Yas D. Ocampo

DAVAO CITY – Nag-viral ang post ng isang photographer mula sa Presidential Photographers Division (PPD) makaraan niyang ikuwento ang saglit na palitan nila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labas ng banyo ng Presidential Plane.

Sinabi ni Robinson Niñal na namangha siya at nahiya sa sitwasyon.

“Share rako sa ako experience ha maninood baya dayon mo (Gusto ko lang ibahagi ang aking karanasan),” panimula ni Niñal sa kanyang Facebook post.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Ayon kay Niñal, naroon siya sa pinto na daraanan ni Pangulong Duterte, nang bababa ito sa New Delhi airport at kailangan ng Pangulo na gumamit ng banyo.

Tinanong umano ni Duterte ang kanyang Presidential Security Group kung oras na para bumaba ng eroplano.

“Sir, nagki-clear pa,” sagot ng guwardiya.

“Kaihion na ko. Ngihi usa ko, (Kailangan kong umihi muna),” saad ni Niñal na sinabi ng Pangulo.

Animo’y bayani, kinatok ni Niñal ang may taong lavatory upang magmadali ang sinumang nasa loob nito, walang kamalay-malay na ang Pangulo ang naghihintay sa labas.

Pero sinaway ng Pangulo si Niñal.

“Ayaw! Ikaw daw naa sa sulod tapos toktokun ka, maputol imo ihi dikaha ka saputon? Kusion noon taka (Huwag! Paano kung ikaw ‘yon, hindi ka ba magagalit? Kukurutin kita!)”

Kapwa taga-Davao City sina Duterte at Niñal, kung saan nagtatrabahong photographer si Niñal sa isang lokal na pahayagan.

Ayon kay Niñal, ito ay naganap noong bumaba si Duterte sa New Delhi airport nang bumisita ang Pangulo sa India.

Sa ngayon, nakatanggap na ng halos 2,000 shares ang naturang post.