Ni Mike U. Crismundo

BUTUAN CITY – Patay ang tricycle driver at kanyang misis habang sugatan naman ang dalawa nilang anak na paslit nang sumalpok sa nakahintong truck ang minamaneho niyang tricycle sa Surigao City nitong Linggo ng gabi, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa flash report sa regional command at tactical operation center ng Police Regional Office (PRO)-13 sa Butuan City mula sa Surigao City Police, kaagad na binawian ng buhay ang mag-asawa dahil sa aksidente.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Surigao Police, pababa ang kalsadang tinatalunton ng tricycle na minamaneho ni Jhuney Ytom Labandero, 30, Payawan 1 sa Barangay Luna, Surigao City nang mawalan siya ng kontrol sa sasakyan at aksidente itong sumalpok sa Fuso Wing Van truck na nagpapagasolina bandang 6:30 ng gabi nitong Linggo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kaagad na nasawi ang driver at misis niyang si Jenefer Labandero, 24, kapwa ng Bgy. Luna, Surigao City, habang sugatan at nagpapagaling na sa Surigao City Hospital ang apat na taong gulang nilang anak na lalaki, at ang kanilang bunso, isang babaeng dalawang taong gulang.