Ni PNA

SA 10,111 katao na kumpirmadong nahawahan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, 1,277 sa mga ito ang nadiskubreng mayroong Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), ayon sa Epidemiology Bureau ng Department of Health.

May kabuuang 428 kaso ng pagkamatay ang naitala sa unang 11 buwan ng 2017, ayon sa pinakabagong HIV/AIDS and ART Registry of the Philippines (HARP) report.

Mayroon namang 8,514 na kaso ng HIV ang naitala sa unang 11 buwan ng 2016, at may kabuuang 49,733 kaso na ng HIV sa bansa simula nang maitala ang unang kaso noong Enero 1984.

Noong Nobyembre 2017, 894 ang natukoy na HIV-positive, 127 ang mayroong AIDS, at 13 ang namatay dahil sa sakit.

Sa buong bilang, 859 ang lalaki at 35 ang babae; 288 ang kabilang sa edad 15 hanggang 24, 436 ang may edad na 25-34, at 144 ang 35 hanggang 49 na taong gulang.

Ang nangunguna pa ring sanhi ng pagkakahawa ay pakikipagtalik, at 90 porsiyento rito ay male-to-male contact.

Naitala sa National Capital Region (NCR) ang pinakamaraming kaso na umabot sa 303, na sinundan ng Calabarzon (164), Central Luzon (94), Central Visayas (63), at Davao region (55).

Hinihikayat ng Department of Health ang mga nanganganib sa sakit na sumailalim sa libreng pagsusuri; at ang masusuring positibo sa virus ay isasailalim sa libreng gamutan.

May 658 katao na mayroong HIV ang nagsimula nang sumailalim sa anti-retroviral therapy noong Nobyembre.