Ni Dave M. Veridiano, E.E.

KUNG ang susundin ay ang nakatalagang batas sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), dapat sana’y may bagong pinuno na ang PNP simula nitong Linggo, dahil sa araw na ito nagdiwang ng kanyang ika-56 na taong kaarawan si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ang mandatory retirement age ng mga alagad ng batas.

At dahil nananatili pa rin si DG Bato sa puwesto bilang CPNP, siya na ang ikalawang pinuno ng PNP na napalawig ang panunungkulan, simula ng maitatag ang PNP noong January 29, 1991 sa administrasyon ni Tita Cory.

Ang unang opisyal na nabigyan ng extension ay si DG Edgardo Aglipay noong Agosto 23, 2004 hanggang Marso 14, 2005.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Iniupo siya ni Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo bilang CPNP kahit na ilang buwan na lamang ay magreretiro na siya sa serbisyo. Kasabay nang pagkakatalaga niya bilang CPNP ay ang anunsiyong madadagdagan pa ng 6 na buwan ang kanyang serbisyo sa pagtuntong niya sa mandatory retirement age na 56 taon.

Ang pangunahing dahilan ng extension noon ni DG Aglipay – ay gaya rin ng mga dahilan ng pagpapalawig sa serbisyo ni CPNP Bato sa ngayon – “To clamp down on the illegal drug trade, terrorism and corruption in the police service.”

Nauna nang nagparamdam ng posibleng pagpapalawig sa puwesto ni CPNP Bato si Pangulong Rodrigo R. Duterte, nang kapanayamin siya ng mga taga-media hinggil sa kung sino ang susunod na magiging pinuno ng PNP kapag nagretiro na si CPNP Bato.

Kaya naman matamang inabangan ng mga taga-media sa Camp Crame kung may magaganap na turn-over dito ngayong weekend – at wala ngang nangyaring turn-over. Nangangahulugan lamang na tuluy-tuloy sa pamumuno si CPNP Bato sa loob ng mga susunod pang buwan.

Kaya naman “waiting” pa ang magiging 22nd CPNP na siguradong manggagaling naman sa linya ng mga opisyal ng PNP – mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class 85 at 86 -- na lahat, siyempre, ay nangangarap na masungkit ang natatanging posisyon sa kaitaasan ng kanilang career bilang mga alagad ng batas sa bansa.

Kabilang sa mga natatanging opisyal na ito, na para naman sa akin ay may kanya-kanyang katangiang pinanghahawakan upang maging karapatdapat na pinuno ng PNP ay sina -- Dir Gen Ramon C. Apolinario, na medyo numipis ang tsansang masungkit ang posisyon dahil sa magreretiro na siya sa Agosto 31, 2018; Dir Rene O. Aspera, PMA Class 87, PNP Director for Personnel and Records Management, ngunit gaya ni DDG Apolinario ay manipis na rin ang tsansa dahil paretiro na sa Mayo 7; Director Gregorio R. Pimentel (PMA ’85), pinuno ng PNP Directorate for Intelligence; DDG Fernando H. Mendez Jr., ang PNP Deputy Chief for Operations; DDG Archie Francisco F. Gamboa, ang PNP Chief Directorial Staff; at si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Dir. Oscar D. Albayalde.

Bilog ang bola kaya mahirap mahulaan kung sino ang papalit kay CPNP Bato sakaling matuloy na magretiro na siya ilang buwan lamang mula ngayon.

Pansamantala, trabaho muna kayo mga SIRS, tigilan ang pagpapalapad ng papel, pagpapapogi at patagong siraan, na palaging naglilitawan kapag malapit ng mabakante ang pinakamataas na posisyong inaasam-asam ng mga heneral…”Kapag hindi ukol ay hindi bubukol!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]