Ni Annie Abad

PINASINAYAAN nina Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco ang ground breaking ceremony ng New Clark City kahapon sa Capas, Tarlac.

Ang naturang lugar na pagtatayuan ng bagong Clark City ay may kabuuang 200 ektarya at bahagi nito ay ang World-class Sports Complex na pagtatayuan naman ng Aquatics at Athletics Center na gagamitin para sa 2019 Southeast Asian Games sa bansa.

Ayon kay Cayetano na siya ring chairman ng SEAG Organizing Committee na aabot ng 18 buwan ang nasabing proyekto, ngunit tatlo o hanggang apat na buwan bago ang biennial meet, ay maari na nilang subukan ang nasabing Sports complex.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

“This is going to be a World Class Sports complex. Master plan is almost finish, We will make Clark an all year round Sports Center,” pahayag ni Cayetano.

Gayunman, hindi pa desidido ang Philsoc kung mismong sa bagong Clark gagawin ang opening ceremony ng 2019 hosting ng SEAG, gayung may ibang venues pa bukod dito na siyang pagdaraosan tulad ng Subic at Bulacan, gayundin ang Manila.

“We will try to hold everything outside Metro Manila. Since we have other venues, like Subic and Philippine Arena in Bocaue,” dagdag pa ni Cayetano.

Magiging bahagi ng nasabing Sports complex ang Athlete’s dormitoy na siyang magiging tirahan ng mga atleta sa mismong araw ng biennial meet at magiging tahanan na rin ng ilang training athletes sa pangangalaga ng PSC.