Ni Marivic Awitan
Fil Oil Flying V Center
8:00 -- Perpetual Help vs. EAC (jrs/m/w)
12:30 -- Letran vs. Lyceum (w/m/jrs)
MAKAPAGSIMULA ng bagong winning streak at masolo ang ikatlong puwesto ang tatangkain ng University of Perpetual Help sa pagsagupa nila sa Emilio Aguinaldo College ngayong umaga sa nakatakdang unang laro sa women’s division sa araw na ito sa NCAA Season 93 volleyball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Nakabalik sa winning track ang Lady Atlas makaraang makalusot sa season host San Sebastian College sa loob ng limang sets.
Ganap na 11:00 ngayong umaga ang tapatan ng Lady Altas at ng Lady Generals pagkatapos ng unang dalawang sagupaan sa pagitan ng kani -kanilang juniors squad-ang reigning champion Perpetual Junior Altas at EAC Brigadiers ganap na 8:00 ng umaga at seniors Team-ang Altas at Generals ganap na 9:30 ng umaga.
Inaasahan ni Lady Altas coach Michael Cariño na magagamit nila ang laban kontra EAC para magawa ang mga hangad nilang pagbabago at pagpapaangat sa kanilang laro.
“Maaga pa yung season. Marami pa kaming dapat i-work out sa laro naming, “ pahayag ni Carińo na muling sasandig kina Maria Lourdes Clemente, Cindy Imbo at Bianca Tripoli.
Sa kabilang dako, magkukumahog namang makamit ang pinaka -aasam nilang unang tagumpay ang Lady Generals matapos mabigo sa unang tatlo nilang laro.
Kasalukuyan namang magkabuhol sa ikalimang puwesto taglay ang markang 1-2, kasama ng San Sebastian, maghihiwalay ng landas ang magkapitbahay sa Intramuros na Letran Lady Knights at Lyceum Lady Pirates.
Parehas naghahangad ng unang back -to-back wins ang dalawang koponan na kapwa nagwagi sa nakaraan nilang laban kontra sa isa pa nilang kapitbahay na Mapua Lady Cardinals.
Magkatapos ng nasabing salpukan dalawang laro pa ang susunod tampok ang Knights at Pirates ganap na 2:00 ng hapon at ang Squires at Junior Pirates ganap na 3:30 ng hapon.