Ni CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE

Lima pang pagkamatay ng mga bata na nabakunahan ng Dengvaxia ang iniulat sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), kaya sa kabuuan ay may kabuuang 19 na kaso na ang sinusuri ng Department of Health (DoH) kaugnay ng posibleng panganib na dulot ng nasabing bakuna kontra dengue.

“As of December 27, 14 kaso na-refer sa PGH para sa pag-aaral. Since then meron pa tayong mga kaso na reported at least five… Ang total natin ngayon ay 19,” sabi ni Health Undersecretary Enrique Domingo.

Sa limang kaso, ayon kay Domingo, tatlo ang kumpirmado habang kinukumpirma ng Epidemiology Bureau ang dalawa pa.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa natatanggap ng UP-PGH ang detalye sa kaso ng karadagang limang bata na nasawi.

“We are coordinating with the hospitals to get the case records,” pagtitiyak ni Domingo.

Kasabay nito, umaasa ang DoH na sa loob ng linggong ito ay makakukuha ng mga update sa unang 14 na kaso na idinulog sa UP-PGH.

“Ang hinihiling natin sa PGH, sa expert panel, is to come out with the findings within the week,” ani Domingo.

Nobyembre 29, 2017 nang inihayag ng Sanofi Pasteur, ang gumawa ng Dengvaxia, ang “new finding” nito na makapagbibigay lamang ng proteksiyon ang bakuna laban sa dengue sa mga dati nang dinapuan ng sakit, subalit sa mga nabakuhanan na hindi pa nagka-dengue “the analysis found that in the longer term, more cases of severe disease could occur following vaccination upon a subsequent dengue infection”.