ni Clemen Bautista
SA paglulunsad ng giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magsimula siyang manungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas, ang Philippine National Police (PNP) ang nagpatupad ng anti illegal drug operation. Sa pangunguna ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa, inilunsad niya ang “Oplan Tokhang”. Ito’y ang pagkatok sa pinto ng bahay ng pinaghihinalaang mga drug user at pusher.
Pangunahing layunin ng Oplan Tokhang ay dakpin ang nasabing mga suspek na sangkot sa ilegal drug. Ngunit hindi ito natupad sapagkat nauwi sa pagpatay at pagtimbuwang ng mga suspek sa droga. Araw-araw ay umaangat ang bilang ng mga napatay. Kapansin-pansin na ang mga tumimbuwang sa loob ng bahay, sa kalsada at iba pang lugar ay pawang naka-tsinelas at marumi ang sakong. Mahihirap. Paliwanag at litanya ng mga police operative, NANLABAN kaya napatay.
Nang magsawa ng survey ang Social Weather Station (SWS) noong Hunyo 23-26, 2017, lumbas sa survey na mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ay naniniwalang hindi totoong NANLABAN ang mga napatay sa police operation sa giyera kontra droga. Halos kalahati o 49 porsiyento ng populasyon ang naniniwalang karamihan sa mga napatay ng mga pulis sa drug operation ay hindi totoong tulak ng droga.Nanindigan naman ang PNP na nanlaban ang mga napatay. Iginiit pa ng tambolero ng PNP na nanganib ang buhay ng mga pulis sa pagpapatupad ng naturang kampanya.
At nang palakasin pa ang kampanya kontra droga ng “Oplan Tokhang Double Barrel” ng PNP, araw-araw ay patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga napatay at tumimbuwang na sangkot sa droga. Mabibilang sa daliri ng kamay ang napatay na mga narco-politician at drug lord. Mababanggit ang mayor ng Albuera, Leyte. Napatay sa loob ng kulungan noong madaling-araw ng Nobyembre 5, 2017. Nanlaban umano ang mayor nang isilbi ang search warrant. Nasabi tuloy ng iba nating kababayan, ginagago at niloloko ang taumbayan ng mga pulis. Nasa kulungan ang mayor ay nakipagbarilan. Madaling-araw, magsisilbi ng search warrant ang mga pulis. Sumunod na napatay na narco-politician suspect ay ang mayor ng Osamiz City. Kasama rin sa napatay ang misis ng mayor at mga tauhan nito.
Sa bawat napatay at tumimbuwang na mga suspek na drug pusher at user, walang magawa ang mga magulang at kamag-anak ng mga biktima kundi ang manangis, sumigaw at humingi ng katarungan. Ngunit ang kanilang pagsigaw at paghingi ng katarungan ay sabunot sa panot at suntok lamang sa buwan.
Ang giyera kontra droga ay umani ng batikos mula sa mga nagpapahalaga sa buhay ng tao, human rights advocate, mga Obispo ng Simbahan at ng mga taga-ibang bansa. Ang naging sagot dito ng Pangulo ay ang kanyang pagmumura at pagsasabing magpapatuloy ang giyera kontra droga hanggang sa siya ang Pangulo ng bansa.
Natigil sandali ang Oplan Tokhang ng PNP sapagkat nagamit ito sa kalokohan ng ibang mga bugok na tauhan ng PNP. Ginamit sa kanilang Oplan Tokhang for Ransom. At nang itumba ng mga pulis ang tatlong teenager na umano’y sangkot sa illegal drugs, natigil ang anti illegal drug operation dahil nagalit ang marami nating kababayan na humantong sa mga kilos-protesta at panawagan na itigil ang giyera kontra droga.
Sa nasabing pangyayari, inilipat ni Pangulong Duterte ang operasyon ng giyera kontra droga sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). Ang PNP ay tutulong na lamang sa PDEA. Kumbaga sa pelikula, PDEA na ang bida at supporting actor lamang ang PNP. Hindi naging madugo ang operation ng PDEA. Maraming nakumpiskang droga at marami rin ang nadakip at sumuko.
Ang Oplan Tokhang ngayong 2018 ay ibabalik. Batay ito sa bahagi ng pahayag ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa nang maging panauhing tagapagsalita siya sa turnover ng 60 police mobile at K-9 unit sa Valenzuela City Police nitong Enero 12, 2018. Ayon sa PNP Chief: “My instruction to police officials during my command conferebnce is to bring back Tokhangh but in the true spirit of Tokhang not the other Tokhang whwrein the policemen has a list of drug personalities in tha barangay anad they tell them tahat they are included in the list, give us money and your name will be deleted. That’s what we want to eradicate”.
May nagsabing kung masusunod ang ipinahayag ng PNP chief, magiging matagumpay ang layunin ng Oplan Tokhang. At sa pagbabalik ng bagong Oplan Tokhang, marami ang nagdarasal at naghahangad na hindi na sana ito maging madugo.Pairalin ang batas sa giyera kontra droga at bigyan ng pagkakataon na magbagong buhay ang mga pinaghahanalaang user. Ipasok sa mga rehabilitation center at tulungang magbagong-buhay.