Ni Ric Valmonte

ANG ipinangangalandakan ni Pangulong Duterte na kanyang pangunahing dahilan para baguhin ang Saligang Batas ay dapat maging federal ang bansa. Aniya, kapag ito ay natupad, nakahanda siyang bumaba sa puwesto, natapos man niya o hindi ang kanyang termino.

Pero, iba ang sinasabi nina Speaker Alvarez at Senate President Koko Pimentel. Hindi umano maiiwasan na tatagal pa sa puwesto ang Pangulo hanggat hindi nailalapat ang mga rikisito ng bagong reporma ng gobyerno upang ito ay tumakbo nang makinis.

Ang pederalismo, ayon sa Pangulo, ang tanging remedyo upang mapahinahon ang mga Muslim sa hangarin na ihiwalay ang Mindanao sa ating bansa. Hindi ba madali nilang maisagawa ang layuning ito kung sistemang federal ang ating gobyerno lalo na, kung totoo ang sinasabi ng Pangulo, na naimpluwensiyahan na sila ng ISIS? May kalayaan na kasi silang patakbuhin ang makinarya ng gobyerno sa kanilang nasasakupan at para sa kanilang kapakanan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noon pa sinasabi na ang dahilan ng gulo sa Mindanao ay ang kahirapan. Likas na mayaman ang bahaging ito ng ating bansa, pero hindi ang mga taga rito ang nagtatamasa. Ang gobyerno na nasa Maynila ay hindi magawang maikalat ang yaman ng bansa para abutan ng biyaya ang mga taga-Mindanao. Ang mga tao, taga rito man o hindi, na malakas sa gobyerno ang nagpapasasa sa kapangyarihan at yaman ng lugar.

Sa kasaysayan naman kasi ng ating pulitika mula nang tayo ay kumalas sa Amerika, walang pangulo ng bansa ang nahalal na nanggaling sa Mindanao. Sila ay pawang taga-Luzon, kaya iyong lugar na pinagmulan ng mga ito ang kanilang binubuhusan ng biyaya ng bansa.

Ngayon, taga-Mindanao na ang Pangulo ng bansa. Hindi na kailangan ang pederalismo upang mapaunlad ang bahaging ito ng bansa. Madaling gawin ni Pangulong Digong ang ginawa ng mga nauna sa kanya na paunlarin ang kanyang lugar. Madali niyang ibaling ito at mapaganda ang buhay ng kanyang mga kababayan.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit pinaulanan ng bomba ang Marawi at giniba ito nang lubusan, gayong nakaririwasa na ang lugar na ito. Ano ba naman at ginawa niyang ganito kariwasa, o higit pa, ang ibang bahagi ng Mindanao na kayang-kaya niyang gawin dahil siya ang pangulo ng bansa na nagbuhat dito. Madali sana para sa kanya na patahimikin at payapain ang Mindanao kung dito niya gagamitin ang puwersa ng gobyerno at ang yaman ng bansa. Hindi ng martial law.