Ni Clemen Bautista

UNANG Linggo ngayon ng malamig na buwan ng Enero. Sa liturgical calendar ng Simbahan, ipinagdiriwang ang Pista ng Tatlong Hari—ang huling araw ng Pasko na nagsimula noong ika-16 ng Disyembre sa pamamagitan ng Misa de Gallo tuwing 4:00 ng madaling araw at natapos noong madaling araw ng Disyembre 24.

Ang kapistahan ng Tatlong Hari ay tinatawag na “Epiphany”, na hango sa salitang Griyego na “EPIFANIA”, na ang kahulugan ay pagpapakita o manipestasyon. Tumutukoy ito kay Jesus na nagpakita bilang Diyos at nagpakita bilang tao.

Ito ay bahagi ng pagpapahayag ng Diyos na inihayag ang Kanyang kahanga-hangang plano upang ang kaligtasan ay ilaan sa lahat ng tao. Kay Jesus, ang Banal na Sanggol na isinilang sa Bethlehem. Tampok sa pagdiriwang ang pagdaraos ng misa sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya sa ating bansa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang Epiphany ay nangangahulugan na ang Sanggol na isinilang sa sabsaban sa Bethelehem ay ang hinihintay na Mesiyas—ang ipinangako ng Diyos na Tagapagligtas, ang paksa ng maraming hula. Ang Pag-asa at Luwalhati ng mga tao sa Diyos.

Sa nakalipas na ilang panahon, ang Pista ng Tatlong Hari ay masaya at makulay na ipinagdiriwang tuwing ika-6 ng Enero. Ngunit matapos ang Vatican Council II noong 1970, ang pagdiriwang ay inilipat sa unang Linggo matapos ang Bagong Taon bagamat may mga bayan at lungsod pa rin sa ating bansa na nagdiriwang sa dating petsa (Enero 6), tulad sa Gapan City, Nueva Ecija, Mabitac, Laguna at Pinili, Ilocos Norte.

Ang Pista ng Tatlong Hari ay sinimulan noong 194 A.D. Nauna pa ito sa Pasko at itinuturing na mahalagang religious festival. Ang gabi ng Epiphany ay tinatawag na “Twelfth Day of Christmas”.

Ayon sa kasaysayan, nang isilang ang Dakilang Mananakop sa isang sabsaban sa Bethlehem, isang Tala ang sumikat.

Nakita ng Tatlong Hari ang nasabing kahanga-hangang bituin sa kalawakan. Palibhasa’y natatangi at kakaiba sa milyung-milyon bituin, ito’y tinawag na “Star of Bethlehem” o Tala ng Bethlehem. Ang “Star of Bethlehem” ay sagisag ng katahimikan para sa sangkatauhan.

Mula sa Silangan, ang Tatlong Hari o Mago (marunong o pantas) na kilala sa tawag na Melchor, Gaspar at Balthazar ay naglakbay. Sila’y ginabayan ng Tala ng Bethlehem at may dalang mga handog sa Banal na Sanggol. Binubuo ito ng ginto, insenso at mira. Sa mga alay na ito ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol, nakita ng mga unang pantas ng Simbahan ang mga katangian ni Jesus bilang Hari, Diyos at Tao na inialay nila sa diwa ng kababaang-loob, pag-ibig at pagsamba. At kailan man ay hindi ipinaghintay ng kabayaran o ganti. Ang ginawa ng Tatlong Hari ay pinaniniwalaan na naging simula at batayan sa pagbibigay ng aginaldo tuwing sasapit ang Pasko.

Ang Tatlong Hari ay naging inspirasyon ng National Artist na si Levi Celerio sa pagkatha niya ng mga titik at himig ng isang awiting pamasko na may pamagat na “Tatlong Hari”, na inawit ng Mabuhay Singers at ni Ruben Tagalog. Ganito ang mga lyrics ng nasabing awitin: “Tatlong marunong na Hari’y lumakad, Sapagkat sinundan ang Talang sumikat; Doon daw sumilang si Kristong mahirap, Ang Batang sinamba ng mundong mapalad. At ang daigdig noon ay nagbago, Nag-alay sa kapwa, nangag-aginaldo; Lahat ay nagdiwang, sumigla ang mundo, Pag-ibig ang diwa ng araw ng Pasko”.