Ni MARY ANN SANTIAGO

Aabot sa 22 residente ang hinihinalang nabiktima ng food poisoning matapos makaramdam ng pagkahilo at pananakit ng tiyan nang kumain ng mga ihaw-ihaw sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Agad isinugod sa Ospital ng Tondo ang mga biktima, na sina Jennelyn Sy, 33; Marilyn Mejia, 27; Jake de Ocampo, 29; kapatid niyang si John, 27; Zandro Caballero, 31; Alicia Caballero, 60; Bernadette Joy De Ocampo, 24; June Alvin Crisostomo, 28; Janet Reyes, 31; Carlos Dela Cruz, 34; at Jonathan Tuazon, 26; gayundin ng apat na teenager, na nasa edad 13-17; at pitong bata, na nasa edad 2-9.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Roland Gonzales, hepe ng Manila Police District (MPD)- Station 7, bumili ang mga biktima ng inihaw na isaw ng manok, dugo at tenga ng baboy sa tinderang si Divina Caballero, 55, sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, dakong 7:30 ng gabi nitong Biyernes.

National

Balita, isa sa 'most trusted tabloids' sa bansa—survey

Makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam umano ng pagkahilo at pananakit ng tiyan ang mga biktima at isinugod sa nasabing ospital.

Matapos malapatan ng paunang lunas at matiyak na nasa maayos nang kondisyon, pinayagan na ring makauwi ang mga biktima.

Naimbestigahan na rin si Caballero, na nanindigang malinis at maingat niyang inihahanda ang kanyang mga paninda.

Ayon kay Caballero, limang taon na siyang nagtitinda ng mga inihaw na pagkain at ngayon lamang nangyari ito.

Ayon naman sa ilang biktima, posibleng ang sawsawan ni Caballero ang sanhi ng food poisoning dahil may kakaiba itong lasa.

Gayunman, sinabi ni Caballero na walang kakaiba sa ingredients ng kanyang sawsawan dahil pipino, paminta, asukal, sibuyas at sili lamang ang sangkap nito.

Agad namang kumuha ang mga tauhan ng ospital ng mga sample ng paninda at suka ni Caballero, at dinala sa Food and Drug Administration (FDA) upang masuri.

Habang isinusulat ito, wala pa sa mga biktima ang naghahain ng pormal na reklamo laban kay Caballero.