Ni Bella Gamotea

NAUWI sa paghihimas ng rehas ang pagsasayaw ng miyembro ng male sexy dance group na Masculados at nakakulong din ang kanyang kasama nang makuhanan ng hinihinalang shabu sa Oplan Sita sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Masculados member copy

Nasa kustodiya ng Taguig City Police at isinasailalim sa imbestigasyon sina Robin Robel y Villamayor,37, miyembro ng Masculados, ng Quezon City at Rodel Isaac y Buringot, nasa wastong gulang, ng Bicutan,Taguig City.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Batay sa inisyal na ulat, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa Manuel L. Quezon Road, Bgy. New Lower Bicutan, Taguig City, dakong 1:30ng madaling araw.

Sinita ng awtoridad ang maroon na Toyota Vios na may plakang VQ-1597, na kinalululanan ng mga suspek, na naka-hazard sa kalsada nang mapansin na may isang lalaking nag-abot ng kahina-hinalang bagay.

Nilapitan ng mga pulis ang nasabing sasakyan at sinilip ang mga sakay hanggang sa nakumpiska sa mga ito ang dalawang pakete na naglalaman ng 2.4 gramo ng hinihinalang shabu.

Hindi itinanggi ni Robel sa mga pulis ang pagkakasangkot niya sa ilegal na gawain.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.