Ni Bella Gamotea

Sugatan ang isang stay-in construction worker makaraang pagsasaksakin ng kanyang kainuman sa Makati City, nitong Miyerkules ng gabi.

Nagpapagaling sa Ospital ng Makati ang biktimang si Ramon Samaniego y Dominguez, 26, tubong San Carlos, Aliaga, Nueva Ecija.

Agad namang nadakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si James Arcolas y Gabriel, 42, katrabaho ng biktima.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa loob ng bahay sa panulukan ng Mercado at General Luna Street, Barangay Poblacion, Makati City, dakong 9:15 ng gabi.

Sa inisyal na pagsisiyasat, nakikipag-inuman ang biktima sa dalawang kasama sa trabaho, kabilang ang suspek, nang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Samaniego at Arcolas.

Sinasabing pinagsalitaan ng hindi maganda at pinagmumura ni Samaniego si Arcolas na ikinagalit ng huli kaya kumuha ito ng kutsilyo at makailang beses sinaksak ang biktima.

Matapos makita ang komosyon, nagpasaklolo ang may-ari ng bahay, si Pagulayan, sa Police Community Precinct (PCP)-Station 6.

Nakakulong sa Makati City Police ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.