Ni Dave M. Veridiano, E.E.
HINDI pa man ganap na nakababalikwas ang Philippine National Police (PNP) mula sa pagkakasubsob dulot ng kapalpakan ng mga pulis sa madugong responde sa Mandaluyong City, ay bumirit na si Chief PNP General Ronald “Bato” dela Rosa para ipagtanggol ang kanyang mga tauhan, na agad umani ng katakut-takot na batikos mula sa mga mamamayan.
Ang linya ni CPNP Bato na lalong nagpatindi sa galit ng mga mamamayan ay ito: “Kahit pumalpak pulis ko sa Mandaluyong, maipagmayabang ko pa rin na nangyari ‘yon because of their performance of duty.”
Maganda na sana ang naging mga galaw at salitang binitiwan ng ibang opisyal ng PNP, gaya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na agad sinibak sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong Police at ang sampung tauhan nito na nasangkot sa palpak na operasyon na ikinamatay ng dalawang tao at ikinasugat ng dalawang iba pa.
Ngunit nasira ang lahat ng ito dahil sa wari ko’y galaw at salita ng isang opisyal ng PNP na maagang namumulitika, nagpapa-POGI ‘ika nga, upang maging mabango sa kanyang mga tauhan, gayong napakalayo pa man din ng susunod na eleksiyon.
Maging sa social media ay pinagpiyestahan agad ang mga binitiwang salita ni CPNP Bato, at karamihan pa nga sa mga ito ay tinawag siyang TANGA na para naman sa akin ay tila wala naman sa lugar at ‘di na magandang pakinggan!
Ang sabi pa nga ng isang netizen: “Hindi naman kapintasan ang maging isang tanga. Ang masama ay ang gawing pulis ang mga ito, armasan ng baril na may live bullets, at pagpatrulyahin sa mga iskinita at kalsada. Patay tayo diyan!”
Ang mas nakakatawag pansin pa rito ay ang ginawa ng ilang netizen na pinagsama-sama ang mga piling pahayag ng mga opisyal sa administrasyong ito, na gaya ng kay CPNP Bato, at tinawag nila itong -- SELECTED QUOTES OF STUPIDITY.
Kaya tuloy nang ilabas kahapon ni Director Albayalde ang resulta ng paraffin test sa mga napatay -- na nagpapakitang positibo sa gunpowder ang babaeng biktima na si Jonalyn Ambaon – ay biglang umugong ang negatibong reaksiyon ng mga sumusubaybay sa imbestigasyon sa palpak na pagresponde ng mga pulis sa Mandaluyong noong Huwebes ng gabi.
Sa halos magkakaparehong tono na may halong pagdududa anila, “Positibo sa gunpowder burns, ganun? Palalabasin nilang nagpaputok at bumaril ang mga walang kalaban-labang biktima ng kanilang kabobohan!”
Mabuti na lamang at maagap sa pagpapaliwanag itong si Director Albayalde na posibleng maging positibo sa gunpowder residue si Ambaon dahil siya ‘yung unang nabaril sa ulo na tila malapitan pa nang gawin ng unang grupo ng mga suspek na nagpasimula sa barilan, na nauwi sa palpak na pagresponde ng mga tanod at pulis, kaya may tatlo pang nadamay – isang napatay at dalawang nasugatan.
Isa pang naging tampulan ng pansin sa palpak na operasyon ay ang unang sumabak sa pagpapaputok ay ang mga armadong barangay tanod sa Barangay Addition Hills…Ang tanong ng mga netizen ay: “Kailan pa ba pinayagang magdala ng baril ang mga tanod?”
Nang makaramdam yata si CPNP Bato na mainit ang kanyang naging unang pahayag, agad naman siyang bumawi nang ipag-utos niyang hulihin ang lahat ng barangay tanod na mga armado habang nagpapatrulya. Wala umanong dapat na itangi sa kautusang ito, kahit pa magalit ang mga pulitikong patron ng mga armadong tanod. Sabi ni CPNP Bato: “Baton lamang at hindi baril ang dapat na armas ng mga tanod!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]