Nina Jel Santos at Aaron Recuenco

Nasampahan na ng kaso ng Mandaluyong City Police ang 10 tauhan nito at tatlong barangay tanod kaugnay ng pagratrat sa maling sasakyan sa siyudad kamakailan, na ikinasawi ng dalawang katao, kabilang ang isang babaeng isusugod sana sa ospital.

Nasawi sa insidente sina Jonalyn Ambaon at Jomar Hayawun makaraang mali ang sasakyang naituro ng mga tanod sa mga pulis—pinaulanan ng bala ang Mitsubishi Adventure na magsusugod sana sa ospital kay Ambaon makaraang tukuyin ito bilang getaway vehicle ng mga bumaril sa huli.

Ayon kay Senior Supt. Quibuyen, Eastern Police District (EPD) director for operations, kinasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide at reckless imprudence resulting to frustrated homicide ang mga suspek sa Mandaluyong City Prosecutors’ Office kahapon.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Kabilang sa mga kinasuhan sina Senior Insp. Maria Cristina Vasquez, team leader; PO2 Lawemuel Songalia; PO1 Ariel Uribe; PO1 Jave Arellano; PO1 Tito Danao; PO1 Mark Castillo; PO1 Julius Libuen; PO1 Bryan Nicolas; PO1 Albert Buwag; at PO1 Kim Rufford Tibunsay.

SUSUKO NA

Kinasuhan din sina Ernesto Fajardo, Wilmer Duron, at Gilbert Gulpo, pawang tanod ng Barangay Addition Hills. Nagtatago pa si Gulpo.

Sinabi naman ni Barangay Chairman Kent Faminial na nag-text sa kanya si Gulpo at sinabing susuko na ito.

Bukod sa mga kasong kriminal, sinabi ni Quibuyen na mahaharap din sa mga kasong administratibo ang 10 pulis at ang hepe nilang si Chief Senior Supt. Moises Villaceran. Pawang sinibak na sa puwesto ang 11 na pulis.

'KAPALPAKAN 'YUN'

Samantala, inamin kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na “palpak” ang pagresponde ng mga pulis sa insidente.

“I don’t know if it could be classified as mistaken identity, it is more of false information given to the police,” sabi ni dela Rosa.

“They were really fooled of that report. It was really wrong, the wrong information was deliberately given by the enemies (of the wounded victim),” aniya pa.

Una nang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na “overkill” ang ginawang pagrapido ng mga pulis-Mandaluyong sa mga biktima, makaraang makumpirmang 36 na beses pinaputukan ang Adventure.

“Wala talaga, palpak talaga ‘yun, at dapat lang may managot,” sabi pa ni dela Rosa.

“Ito rin naman masasabi ko sa parte ng pulis, pagdating mo kung may putukan na hindi mo determine kung may putok… Napakahirap ‘pag ikaw ay nasa area,” aniya. “At least ‘yung nangyaring ‘yun ay kapalpakan ‘yun, hindi borne out of kasamaan. Pumalpak talaga operation dun.”