Nangako ang pamahalaan ng Muntinlupa City na huhulihin ang mga driver na sasalubong sa Bagong Taon gamit ang mga motorsiklo at tricycle na binubuo ng “open pipe mufflers.”
Sa kanilang Facebook page, inanunsiyo ng Muntinlupa City government na, “Nagsagawa ng Motorcade bilang pagbibigay babala sa lahat na mahigpit na ipatutupad ang OPLAN IWAS PAPUTOK sa Muntinlupa. Huhulihin din ang mag-iingay gamit ang mga open pipe mufflers ng tricycle at motor.”
Nag-motorcade ang city government offices nitong Disyembre 30, upang bigyang-babala ang mga residente sa total firecracker ban sa Muntinlupa na nakasaad sa City Ordinance 14-092, na ipinasa noong Disyembre 2014, na nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng paputok.
Sa ilalim ng Muntinlupa ordinance, ang mga lalabag sa firecracker ban ay mumultahan ng P1,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit sa isang buwan para sa unang paglabag; P3,000 multa o pagkakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan para sa ikalawang paglabag; at multang P5,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan para sa ikatlong paglabag.
Tatanggalan naman ng permit at license to operate ang mga establisyemento na lalabag sa batas. - Jonathan Hicap