Ni Celo Lagmay

ANG mistulang pagbuhos ng iba’t ibang asunto laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III ay hindi na natin dapat ikabigla. Bahagi na ito ng nakagawiang pagsasampa ng demanda tuwing nagpapalit ang administrasyon; bahagi rin ito ng walang kamatayang kultura ng paghihiganti na laging kakawing ng pulitika.

Bukod sa kasong kriminal na isinampa sa Office of the Ombudsman kaugnay ng Mamasapano massacre laban kay Aquino, inihabla rin siya ng plunder o pandarambong kaugnay naman ng kontrobersyal na P3.6 billion Dengvaxia vaccination program. Kasama rin niya sa naturang mga habla ang kanyang mga kaalyado na sinasabing may kinalaman sa naturang mga asunto.

Hindi na natin bubusisiin ang mga detalye ng nabanggit na mga asunto na isinampa ng iba’t ibang grupo na walang hinahangad kundi mabigyan ng katarungan ang umano’y mga biktima ng kontrobersyal na mga isyu. Manapa, ipaubaya na lamang natin sa mga husgado ang pagtimbang at pagpapasiya sa nasabing mga usapin.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Nais lamang nating bigyang-diin na walang pinaliligtas ang kultura ng paghihiganti, lalo na kung pag-uusapan ang sistema ng pamamalakad ng nakalipas at maging ng kasalukuyang administrasyon. Hindi na natin sasalangin ang pangasiwaan ng yumaong Pangulong Cory Aquino bilang paggalang sa alaala ng kanyang kamatayan.

Si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay Kongresista ng Pampanga ay pinutakti ng katakut-takot na asunto na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong. Kabilang dito ang sinasabing paglustay ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tila hindi napatunayan; kalaunan, siya ay nakalaya.

Maging si dating Pangulong Joseph Estrada na ngayon ay Alkalde ng Maynila ay sinampahan din ng iba’t ibang kaso, kabilang na ang impeachment case kaugnay ng sinasabing pandarambong ng salapi ng gobyerno. Naging dahilan ito ng kanyang pagkakabilanggo at pagkakatanggal bilang pangulo. Sa mga kadahilanang hindi ko masyadong naunawaan, pinagkalooban siya ng pardon ni Arroyo.

Hindi ko matandaan kung si dating Pangulong Fidel Ramos ay hindi rin nakaligtas sa kultura ng paghihiganti. Maaaring may umalingawngaw na mga alingasngas, ngunit hindi yata nakausad sa hukuman ang mga ito.

Tulad ng ating nasasaksihan, ... maging si Pangulong Duterte ay kinikiliti, wika nga, ng mga kaso na ibinibintang ng kanyang mga katunggali sa pulitika. Hindi ba kailan lamang ay sinampahan siya ng impeachment case sa Kamara? Dangan nga lamang at ito ay hindi man lamang nakausad. Hindi malayo na ito ay sundan pa ng mga asunto kaugnay ng kanyang hangarin lumikha ng isang malinis na gobyerno.

Katunayan lamang na ang nakagawiang pagsasampa ng asunto tuwing magpapalit ang administrasyon ay bahagi ng kultura ng paghihiganti.