Ni Celo Lagmay

SA malagim na banggaan ng isang bus at jeep sa Agoo, La Union noong Pasko na ikinamatay ng 20 pasahero, minsan pang nalantad ang mga kapabayaan at kawalang ingat ng pribadong sektor at ng mismong gobyerno sa pagtalima at pagpapatupad ng mahigpit na reglamento sa ligtas na pagmamaneho. Kaakibat nito ang matinding pagdadalamhati ng mga naulila, lalo na kung iisipin na ang kanilang mga mahal sa buhay ay pumanaw sa isang trahedya sa araw pa naman ng pagsilang ng ating Panginoong Hesus.

Kasabay ito ng ating pakikiramay sa naturang mga biktima ng aksidente na nagluluksa sa panahon ng kapaskuhan -- malagim na pangyayari na maituturing na bahagi ng mga pagsubok sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Hindi kayo nag-iisa sa ganitong kapalarang maaaring sumapit sa sinuman.

Hindi nagbabago ang aking pananaw na ang anumang aksidente ay dumarating anumang pagkakataon. Hindi ito maiiwasan, subalit naniniwala ako na ang mga ito ay mababawasan.

Kahit masakit na sa pandinig, wika nga, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga tagubilin hinggil sa pagkondisyon ng ating mga sasakyan. Suriing maigi ang makina, gasolina, langis, baterya, goma at iba pa ng ating mga sasakyan upang matiyak ang ligtas at maingat nating pagmamaneho; dapat nasa kondisyon din ang isip at katawan at higit sa lahat, sabi nga ng mga Kano: Don’t drive if you drink.

Hindi dapat magpaumat-umat ang gobyerno, sa pamamagitan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pagpapaigting ng implementasyon ng mahihigpit na batas upang mabawasan ang malalagim na trahedya sa kalsada. Marapat ang ibayong pagsusuri sa kaangkupan sa pagmamaneho ng mga tsuper na dapat ding pasado sa drug test at iba pang pagsubok. May ulat na ang ilang driver ay nagmamaneho ng lasing at lulong sa gamot.

Dapat ding tutukan ng LTO at LTFRB ang pagpapatupad ng mga batas na makatuturan subalit ipinagwawalang-bahala at tinatawanan lamang ng mga motorista. Tulad ng pagpatay ng head light ng mga jeep, pagsusuot ng seat belt, angkop na pananamit habang nagmamaneho, at pagsusuot ng tamang helmet ng mga nakamotorsiklo.

Ang kautusan hinggil sa pagsusuot ng helmet ang malimit labagin ng ilang motorista, lalo na ng mismong mga alagad ng batas na dapat ay nangunguna sa pagsunod sa mga reglamento. May mga pulis na tila ipinagmamalaki pa ang hindi nila paggamit ng mga helmet samantalang nakasakay sa motorsiklo na ‘for registration’.

Totoo na hindi maiiwasan ngunit mababawasan lamang ang mga aksidente; at mababawasan ang malalagim na trahedya sa kalsada kung mahigpit na maipatutupad ng pamahalaan ang mga batas.