Ni NITZ MIRALLES
DALAWANG araw na magkasama ang pamilya ni Dennis Trillo at ni Jennylyn Mercado simula pre-Christmas lunch sa bahay ni Dennis sa Antipolo. Kasama ni Jennylyn ang ama na si Noli at ang anak na si Jazz.
Kinabukasan, sa bahay naman nina Jennylyn ang Christmas dinner at kumpleto rin ang pamilya ng aktor. Ang hindi lang namin nakita sa picture ay ang anak ni Dennis na si Calix. Baka may family event din sa bahay ng mom nitong si Carlene Aguilar-Ocampo.
Abangan natin kung magsasama-sama uli ang pamilya nina Dennis at Jennylyn sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang maganda sa dalawa, hindi nila ipinu-post sa social media account nila ang mga ganap sa pamilya nila. Sa ibang account namin nahahanap ang pictures. O kung mag-post man sila ng pictures ng pamilya nila, lumilipas muna ang ilang araw o linggo.
Anyway, mukhang matatagalan pa bago matupad ang wish ng fans nina Dennis at Jennylyn na muli silang magkasama sa teleserye dahil wala pang plano ang GMA-7 sa first quarter ng 2018.
Si Dennis, sina Lovi Poe, Max Collins at Rhian Ramos ang makakasama sa The One That Got Away na pilot na sa January 15, 2018. Si Jennylyn, wala pa kaming nariring na gagawing teleserye, uunahin muna niyang gawin ang pelikula sa Reality Entertainment na ayon sa initial info na natanggap namin ay horror daw.
So, after niyang magpakilig sa All of You kasama si Derek Ramsay, mananakot naman si Jen sa Reality Entertainment film to be directed by Erik Matti.