Paseo de Belen sa Dagupan City
Paseo de Belen sa Dagupan City

Sinulat at mga larawang kuha ni JOJO RIÑOZA

MULING pinatingkad ang kulay ng Kapaskuhan sa pagbubukas ng Paseo de Belen sa Dagupan City, Pangasinan. Isinabay na rin ito sa isang buwan na pagdiriwang ng kapistahan ng patron ng siyudad na si San Juan Ebanghelista.

Tinatampukan ng dalawampu’t dalawang makukulay na disenyo ng Belen na ang karamihan ay halos kasing-laki ng tao. Ang mga Belen ay ginawa ng iba’t ibang barangay ng siyudad.

Tourism

ALAMIN: Mga libreng museum sa Metro Manila!

Pinakulay ng mga ilaw ng mga Belen ang kahabaan ng De Venecia highway na kinaroroonan din ng karnabal. Sadyang ito ang napiling lugar upang mas marami ang makapasyal at maginhawang matunghayan ng mga residente at mga tagaibang bayan at probinsiya ang mga Belen.

Paseo de Belen sa Dagupan City
Paseo de Belen sa Dagupan City

Ang bawat Belen ay may sukat na 6x6 metro kuwadrado at huhusgahan sa kanilang tibay, mahusay na pagkakagawa o craftsmanship, inobasyon mula sa tradisyunal na anyo at pagiging kaaya-aya.

Ang bawat Belen ay kanya-kanyang interpretasyon ng bawat barangay at ginawa sa recyclable materials. Naging inspirasyon na rin sa malikhaing paggawa ng Belen ang maitanghal na “Pinakamagandang Belen” at ang katumbas nitong premyo.

Paseo de Belen sa Dagupan City
Paseo de Belen sa Dagupan City

Ang tatanghaling Best Belen ay tatanggap ng limampung libong piso, tatlumpong libong piso sa pangalawa at dalawampung libong piso naman sa pangatlo. Ang mga magwawagi ay pararangalan sa Disyembre 27, 2017.

Nagsisimulang kumuti-kutitap ang maningning na mga ilaw ng Belen tuwing alas singko ng hapon hanggang ala-una ng madaling-araw.