NAGING taunang tradisyon na ang pagdedeklara ng tigil-putukan — ang Suspension of Military Operations (SOMO) ng Sandatahang Lakas — tuwing Pasko sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at mga rebeldeng kasapi ng New People’s Army (NPA). May mga pangambang hindi magpapatupad nito ngayong taon makaraang kanselahin ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan at ideklara ang NPA bilang teroristang organisasyon.

Mistulang nasagad na ang pasensiya ng Pangulo sa pagpapatuloy ng mga pag-atake ng NPA sa mga lalawigan kahit nagsasagawa ng negosasyon ang mga opisyal ng Communist Party of the Philippines sa mga kinatawan ng ating pamahalaan sa Oslo, Norway. Sa pagkansela sa lahat ng negosasyon, pinaghandaan ng Sandatahang Lakas ang pag-atake ng mga rebelde, partikular sa anibersaryo ng kilusan sa Disyembre 26.

At nitong Martes, nagbago nga ang isip ng Pangulo. Nang magtalumpati sa Christmas party ng Gabinete sa Malacañang, nagdeklara siya ng unilateral ceasefire sa NPA. Sinabi niyang ginawa niya ang pasya hindi para sa NPA kundi para sa kabutihan ng mamamayang Pilipino. Titigilan na ng puwersa ng gobyero ang pag-atake sa mga rebelde simula sa Disyembre 23 hanggang Disyembre 26, at simula Disyembre 30 hanggang Enero 2. Nagpatupad na rin ng kaparehong tigil-putukan ang CPP-NPA-National Democratic Front nitong Biyernes.

Sa iba’t ibang panig ng mundo sa ngayon, maraming lugar na namamayani pa rin ang karahasan, nilalabag ang mga karapatan, at namumuhay sa takot ang maraming tao. Ang mga Islamic extremist ang nasa likod ng mga labanan subalit may takot at iba pang uri ng banta ng kaguluhan — gaya ng palitan ng bantang nukleyar sa pagitan ng North Korea at Amerika, ang sitwasyon ng pang-aapi sa Rohingya refugees na lumilikas mula sa mga pag-atake ng pulisya sa Myanmar, at ang pagpapaulan ng bala ng nag-iisang suspek sa libu-libong dumalo sa isang konsiyerto sa Amerika.

Sa mismong Banal na Lupain, kung saan isinilang si Kristo, sa Bethlehem may siyam na kilometro sa katimugan ng Jerusalem, pinakamatindi ang pandaigdigang pagkondena sa pasya ng Amerika na kilalanin ang Jerusalem bilang kabisera ng Israel. Isa pa rin itong palitan ng pahayag na umabot na hanggang sa United Nations, at maaaring sumiklab sa karahasan na babasag sa katahimikan ng gabi sa burol ng Bethlehem.

Dahil dito, nananatiling mailap ang kapayapaan sa maraming panig ng mundo. Ganito rin ang sitwasyon maging sa ating bansa, subalit pinili ni Pangulong Duterte na magdeklara ng tigil-putukan sa NPA ngayong Pasko. At tumugon naman ang NPA sa pagpapatupad ng sarili nitong tigil-putukan.

Hahakbang tayo ng isa pa pasulong at aasang pagkatapos ng tigil-putukan ay magkakaroon na ng mga bagong pagpupursige upang matuldukan na ang 48-taong rebelyon ng NPA. Marami nang napagtagumpayan sa mga nakalipas na negosasyong pangkapayapaan. Maaari pa ring magpatuloy ang mga ito, at kung ipahihintulot sa kabutihang loob ng magkabilang panig, posibleng magkaroon pa rin ng kapayapaan.