Ni Clemen Bautista

IKA-24 ngayon ng Disyembre, bisperas ng Pasko. At sa liturgical ng Simbahan ay ikaapat na Linggo ng Adbiyento na paghahanda sa pagdiriwang ng pagsilang ng Dakilang Mananakop. At kaninang madaling araw ay natapos na ang huling Simbang Gabi na tampok ang Misa de Gallo sa mga simbahan sa buong bansa.

Sa mga dumalo, na may iba’t ibang layunin, sa siyam na sunud-sunod na Simbang Gabi ay nag-iwan ito ng iba’t ibang alaala at gunita. Nagpasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang natanggap sa buong isang taon. Ang pagkakaligtas sa sakuna at paggaling sa sakit. Humingi ng patuloy na patnubay sa trabaho at paglalakbay sa buhay. May naramdamang ginhawa sa damdamin. Bahagi rin ng alaala ng Simbang Gabi ang pagkain ng bibingka at putobumbong at pag-inom ng mainit na tsaa na may sahog na dahon ng Pandan.

Ngayong Bisperas ng Pasko, sa mga Simbahan sa iniibig nating Pilipinas, tampok ang MISA DE AGUINALDO o ang Misa na alay sa Banal Mananakop. Sa nasabing misa, tulad sa Misa de Gallo, ay masayang aawitin ng choir ang “Gloria in Excelsis Deo, et in terra pax homonibus bonae voluntatis” o Luwalhati/ papuri sa Diyos sa kataas-taaasan at kapayapaan sa lupa sa mga taong may mabuting kalooban.

Sa ibang mga simbahan sa iba’t ibang parokya, sa pag-awit ng “Gloria in excelsis Deo”, binubuksan ang mga ilaw sa itinayong Belen sa kanang bahagi ng altar ng simbahan. Ang Belen ang nagpapagunita ng unang Pasko nang isilang ang Banal na Mananakop sa Bethlehem.

Sa simbahan ng parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal, tampok ang “Lakad-Parol” o ang paghila mula sa choir loft ng dalawang malaking parol, na gawang-Angono, patungo sa tapat ng altar at ng Belen sa simbahan. Kasunod sa “paglakad” ng dalawang malaking parol ang 16 na maliit at makulay na parol na may ilaw. Sa tapat ng altar ay nakasabit ang isa pang malaking parol. Dati’y kasabay ito sa “paglakad” ng dalawang malaking parol. Ngunit nang malagyan ng mga daylights ang gitna ng kisame ng simbahan, isinabit na lamang sa tapat ng altar ng simbahan.

Ang Lakad-Parol ay sinisimulan kapag inawit na ang “Gloria in Excelsis Deo”. Ang tatlong malaking parol at ang 16 na maliit na parol ay isinasabit sa kisame ng simbahan sa Angono mula ika-16 ng Disyembre hanggang sa Pista ng Tatlong Hari at ng Sto. Niño. Ang Lakad-Parol ay bahagi na ng tradisyon tuwing Misa de Aguinaldo at Pasko sa Angono.

Matapos ang Misa de Aguinaldo, kasunod na nito ang Noche Buena. Tampok sa Noche Buena ang pagsasalu-salo ng pamilya sa inihandang pagkain. Sinasabing ang Noche Buena ay naiibang gabi sapagkat nagkakabuklod ang pamilya sa pagmamahalan ng bawat isa. Pinatitibay ang samahan sa pamamagitan ng pagsasalu-salo sa niluto at inihandang pagkain. Isang pagkakataon din na makasalo ang kaanak at miyembro ng pamilyang nagbalik-bayan.

Sa Noche Buena, makikita ang pagkakaiba ng niluto at inihandang pagkain ng mayaman at ng mga mahirap na pamilya. Ang mukha ng kasaganaan at pagdaralita. Makikita sa mesa ang niluto at inihandang mga pagkain. Sa mayaman at nakahilata sa salapi, nasa mesa ang hamon, keso de bola adobong manok, pabo, fruit cake, tinapay, spaghetti, prutas, red wine at iba pang masarap na pagkain. Sa mesa ng mahirap, magkayapos na suman sa lihiya, suman sa buli. Ang sawsawan ay pulang asukal o segunda. Ang iba, upang magmukhang sosyal, ay pinalalangoy ang suman sa anemik na tsokolate. Nakahain din sa mesa ang pritong dilis o tuyo na ang sawsawan ay sukang may pinipit na bawang. Kakanin sa almusal, kasama ang kapeng walang gatas.

Sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino, hindi sukatan ang dami ng inilutong pagkain. Ang mahalaga ay ang masayang pagtitipon at pagsasalo na nakayanang ihanda. Sa Noche Buena, ang pagsasalu-salo ng pamilya ay tila nagiging ginintuang sandali ng pagsasama at pagtitipon. Naniniwala sa natatanging kahulugan ng Pasko at ng pagpapahalaga sa pamilya.