June 01, 2026

Home BALITA Politics

Rep. Pulong kay 'Mr. Bangag:' 'Malapit na SONA mo, baka puwedeng isa-isahin mga nagawa mo?!'

Rep. Pulong kay 'Mr. Bangag:' 'Malapit na SONA mo, baka puwedeng isa-isahin mga nagawa mo?!'
Photo courtesy: MB File Photo

Naglabas ng kaniyang opisyal na pahayag si Davao City 1st District Rep. Paolo "Pulong" Duterte laban sa isang tinawag niyang "Mr. Bangag," na bagama't hindi pinangalanan, ay naniniwala ang mga netizen na pumapatungkol kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Nag-react si Rep. Pulong sa mga kamakailang naging pahayag ng Pangulo tungkol sa iba't ibang isyu, lalo na sa kaniyang mga nagawa at legasiya sa bansa, gayundin ang sinabi niyang wala siyang pagsisising naging ka-tandem si Vice President Sara Duterte sa UniTeam sa nagdaang 2022 Presidential Elections.

Ayon kay Rep. Pulong, nalalapit na naman daw ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo kaya nararapat lamang daw na ilatag nito ang mga tunay na nagawa niya habang nakaupo sa posisyon.

"Mr. Bangag, hindi na sana ako magsasalita," paniwala ni Rep. Pulong sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Hunyo 1.

"Matagal nang tanggap ng maraming Pilipino na kahit sa sariling administrasyon mo, marami pa ring tanong tungkol sa direksyon at kalidad ng governance na ipinangako mo."

Politics

PBBM, inaming hindi pagkakamaling tumakbo kasama si VP Sara

"Pero dahil ikaw mismo ang nagsalita na parang napakarami mong naitayong "reforms" na maaaring sirain ng iba, kailangan ding may magtanong: ano ba talaga ang mga repormang iyon?"

"Malapit na naman ang SONA mo. Baka puwede mong isa-isahin nang malinaw ang mga nagawa mo na ramdam ng ordinaryong Pilipino. Hindi iyong puro English buzzwords, bagong slogans, at scripted applause mula sa mga kongresistang nakapila para mag-standing ovation. Ang gusto marinig ng tao ay resulta, hindi production number."

"Habang naghahanda ka ng panibagong talumpati, ang mga Pilipino naman ay naghahanda sa panibagong taas-presyo, panibagong baha, at panibagong pasakit sa araw-araw na buhay. Iyan ang tunay na report card ng iyong administrasyon."

Sumunod, nag-react naman si Rep. Pulong sa sinabi ni PBBM na wala aniya siyang pinagsisihan sa naging pagtakbo niya bilang Pangulo, ka-partner ang kaniyang kapatid na si VP Sara.

"At tungkol naman sa sinabi mong wala kang regrets sa pagtakbo kasama si Vice President Sara Duterte—tama ka diyan. Wala ka talagang dapat pagsisihan."

"Because the truth is simple—without Sara Duterte, you would not have won by the margin that you did. The UniTeam coalition delivered votes from north to south. History will always show that your victory was built not on the Marcos name, but on the trust and support commanded by Vice President Sara Duterte."

"Kaya nakapagtataka na ngayon ay parang gusto mong palabasing ikaw lang ang may ambag sa mandato na ibinigay ng taumbayan."

"Instead of worrying about who might "undo" your legacy, perhaps the bigger question is whether there is a legacy that Filipinos can genuinely point to beyond speeches, slogans, and photo opportunities."

"At sa huli, hindi standing ovations sa Batasan ang magde-decide kung matagumpay ang isang Pangulo. Ang magde-decide ay ang mga Pilipinong hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng pagbabago na ipinangako mo sa kanila noong 2022."

Pagwawakas ng solon, "Pinapasabi pala ng taumbayan, 'BAGA RA KAAYO KAG NAWUNG NGAG.'"

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol dito.