June 01, 2026

Home BALITA National

Ex-SP Pimentel kay SP Cayetano: 'Baka maisip mo na 'di pala ako para dito!'

Ex-SP Pimentel kay SP Cayetano: 'Baka maisip mo na 'di pala ako para dito!'
Photo courtesy: Koko Pimentel (FB), MB FILE PHOTO

Binuwelta ni dating Senate President Koko Pimentel na baka raw maaaring ikonsidera ni kasalukuyang Senate President Alan Peter Cayetano na bumaba sa puwesto kung magpapatuloy lang ang bangayan ng mga senador sa Senado. 

Ayon sa naging pahayag ni Pimentel sa panayam sa kaniya ng isang radio station noong Linggo, Mayo 31, 2026, sinabi niyang tila hindi raw mapagbubuklod ni Cayetano ang mataas na kapulungan kung puro pag-aaway ang gagawin ng mga miyembro nito. 

“Kasi nag-volunteer kay to be a leader ng chamber mo. Tapos ang Chamber mo, walang magawa kasi puro kayo away,” pagsisimula niya. 

Ani Pimentel, baka raw dahil dito ay maisip ni Cayetano ang bumaba na lang sa puwesto para na rin sa ikabubuti ng Senado.

“So baka maisip mo na, ‘Hindi pala ako para rito. I have to step back.’ And then bigay na natin ito for the good of the Chamber. Hindi ‘yong for my own good,” aniya. 

National

NBI, isisilbi arrest warrant kung maglabas Sandiganbayan vs Sen. Bato!

Buwelta ni Pimentel, may ilan daw kasi na itinuturing ang mga ganansya para sa kanilang sarili bilang Senate Presidente na may kapangyarihan, responsibilidad, at pagtingin bilang ikatlo sa pinakamataas na opisyal sa bansa ngunit hindi naman daw napapamunuan nang maayos ang Senado. 

“Puwede ka kasing mag-isip. ‘Yong for own good, ‘yong honor mo sa sarili mo, naging Senate President ka, my power ka, mayroon kang mga responsibility, number three ka sa linya sa gobyerno… pero nag-lead ka nga ng isang Chamber na walang patutunguhan,” diin niya. 

Pagpapatuloy ni Pimentel, posible pa rin daw na maisip ni Cayetano kung para sa kaniya ang puwesto bilang pinuno ng Senado o mas dapat na maghanap ng indibidwal na mas magiging epektibong mamumuno sa kanila. 

“Sometimes, nahawakan mo na ‘yan. Nakita mo na, ‘Oy, teka. Maybe it’s not for me or this is not yet for me in time. So let’s get a better unifier to run the Senate,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Cayetano kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Magulo!' Ex-Sen. Koko Pimentel umapela sa Senado, ibalik tiwala ng publiko at kredibilidad!

KAUGNAY NA BALITA: 'Merong 'di happy!' Sen. Raffy, pinugang may lilipat mula sa majority bloc