Naniniwala si dating senador Koko Pimentel na nahaharap ngayon ang Senado sa isa sa pinakamalalaking hamon sa kasaysayan nito dahil sa umano'y bumababang tiwala ng publiko at sunod-sunod na kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang miyembro ng kapulungan.
Sa isang pahayag na inilabas noong Mayo 29, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post, sinabi ni Pimentel na hindi maganda ang imahe ng Senado sa mata ng maraming Pilipino dahil sa mga alegasyon ng katiwalian, hidwaan sa loob ng institusyon, at iba pang isyung pulitikal na naging laman ng mga balita nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa dating senador, lalo pang nasira ang reputasyon ng Senado matapos ang naganap na insidente ng pamamaril sa loob ng Senate premises noong Mayo 13, kasunod ng kontrobersiyal na pagbabago sa liderato ng kapulungan noong Mayo 11.
Maki-Balita: 'The Senate was under attack!' SP Cayetano, tinaasan ng boses nagtanong sa pamamaril sa Senado
“Public sentiment reflects this decline. They all use one word to describe the Senate: ‘magulo,’” ani Pimentel.
Dagdag niya, hindi lamang Senado ang inilalarawang magulo ng ilang mamamayan kundi maging ang gobyerno at lipunang Pilipino sa kabuuan, bagay na nagdudulot umano ng pangamba sa kinabukasan ng bansa.
Binigyang-diin din ni Pimentel na mahalagang maibalik ang kredibilidad ng Senado bilang “last bastion of democracy” o huling muog ng demokrasya sa bansa.
Ayon sa kaniya, kapag tuluyang nawala ang tiwala ng publiko sa Senado, maaari rdn itong magdulot ng pagdududa sa demokratikong sistema ng pamahalaan.
“Society loses trust in this last bastion of democracy, then we should worry not only about that bastion but also about democracy itself,” aniya.
Isa sa mga pangunahing solusyong nakikita ni Pimentel ay ang pagkakaroon ng lider na kayang pagkaisahin ang mga senador sa kabila ng kanilang magkakaibang paninindigan at adbokasiya.
Aniya, kasalukuyang hati-hati ang Senado at kinakailangan ng lider na makabubuo ng consensus upang maibalik ang kaayusan at produktibong paggawa ng batas.
“Leadership matters. It can unite; it can divide,” saad niya.
Iginiit din niya na dapat magpokus ang Senado sa mga batas na direktang makatutulong sa mamamayan, kabilang ang pagtugon sa kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin, gastos sa transportasyon, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
“The bottom-line is: we have to address the high cost of living and dying in the Philippines,” ani Pimentel.
Tinalakay rin ng dating senador ang nakaambang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, na aniya’y isang pagkakataon para maipakita ng Senado ang integridad nito bilang isang institusyon.
Ayon kay Pimentel, dapat tiyakin ng Senado na magiging patas ang proseso at mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang magkabilang panig upang maiharap ang kanilang mga ebidensiya at argumento.
“Fairness must be the guiding principle,” aniya.
Binigyang-diin din niya na dapat maiwasan ng Senado ang anumang hakbang na maaaring ituring na labag sa Konstitusyon, gaya ng maagang pagbasura o pagpigil sa paglilitis nang hindi natatapos ang proseso.
Sa huli, nanawagan si Pimentel sa Senado na harapin ang mga suliranin nito sa loob ng institusyon at muling patunayan ang mahalagang papel nito sa demokrasya ng bansa.
“The Philippine Senate stands at a crossroads. It must confront its internal challenges, restore public confidence, and reaffirm its role as a pillar of democracy,” pagtatapos niya.