June 01, 2026

Home BALITA National

'Merong 'di happy!' Sen. Raffy, pinugang may lilipat mula sa majority bloc

'Merong 'di happy!' Sen. Raffy, pinugang may lilipat mula sa majority bloc
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Isiniwalat sa publiko ni Sen. Raffy Tulfo ang dalawang posible umanong lumipat mula sa majority bloc patungo sa minority bloc dahil hindi raw masaya ang mga ito. 

Sa naging pahayag ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Lunes, Hunyo 1, 2026, sinabi niyang may dalawa raw kasing miyembro ng majority ang tila hindi nasiyahan sa mga naganap na kaguluhan sa Senado.

“Kung pagmamasdan ninyo ‘yong mga demeanor no’ng mga sa majority at that time ‘yong mangyari ang kaguluhan,” pagsisimula niya. 

Diin pa niya, “Merong iilan doon na hindi happy.” 

Ani Tulfo, tila raw nakita niya sa mga naturang miyembro ng majority bloc na hindi sang-ayon ang mga ito sa mga nangyari sa mataas na kapulungan ng Kongreso.  

National

Nag-ingay! Mga DDS nag-noise caravan, pakita ng suporta kay VP Sara

“‘Yong mga kilos nila [at] demeanor nila, parang hindi sila sang-ayon sa mga pangyayari,” aniya. 

Pahabol pa ng senador, “‘Yon ‘yong dalawa na maaaring lumipat.” 

Samantala, hindi naman na naglapag ng pangalan si Tulfo tungkol sa sinabi niyang dalawang miyembro ng mayorya na posibleng lumipat sa minorya upang maganap muli ang pagpapalit ng liderato sa Senado. 

“I don’t know,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang noong Mayo 11, 2026, nagsimula ang kaguluhan sa Senado nang muling magpakita si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko at maganap ang kudeta para mapalitan sa puwesto ni Sen. Alan Peter Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III. 

Noon namang gabi ng Mayo 13, ginulantang ng magkakasunod na putok ng baril ang publiko at mga media mula sa mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado kontra sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Base naman sa imbestigasyon ng pulisya mula sa nalikom nilang CCTV footage sa Senado, bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14 nang matagumpay na makatakas si Dela Rosa sa pagtugis ng mga awtoridad sa kabila ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya. 

Sa huling sesyon ng Senado noong Mayo 26, napilitang mag-walk out sa plenaryo ang mga miyembro ng minority bloc dahil sa naging mainit na tensyon nila sa majority bloc kaugnay sa tila minamadali umanong pag-amyenda sa Senate Rules.

Samantala, nakatakdang muling magsagawa ng sesyon ang mga senador ngayong Lunes, Hunyo 1, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

KAUGNAY NA BALITA: 'Bastusan na!' Ex-Sen. Dick Gordon, naduduwal sa nagaganap sa Senado