Inihayag ng dating senador na si Dick Gordon ang tila nararamdaman daw niyang pagkaduwal sa napanood na mga nangyari sa loob ng Senado at mga kasalukuyang miyembro nito.
Ayon sa naging pahayag ni Goron sa naging panayam sa kaniya ng isang TV station noong Huwebes, Mayo 28, 2026, sinabi niyang nakakaduwal o nakakasuka na raw talaga at hindi na raw niya makilala ang Senado.
“Nakakaduwal talaga,” pagsisimula niya, “Because I can no longer recognize it as I said the other day.”
Ani Gordon, mahalaga raw na nakikita dapat ang dangal ng bansa, hustisya, dignidad at integridad ng mga senador, at pagtanggap sa pananagutan para sa mga tao sa Senado.
“Ang mukha ng Senado sa buong mundo, any Senate must show that they have a sense of country, a sense of justice, a sense of dignity for themselves, integrity at all times, and all the time accountable to the people,” aniya.
Pagpapatuloy ni Gordon, hindi na raw makita ang rule of law sa Senado at puro balyahan o bastusan na lang daw ang napapanood at naririnig niya sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Mukhang wala na ‘yan. Wala na ‘yong rule of law. Balyahan na ang nangyayari. Bastusan na. Naririnig ko madalas ‘yon kay Frank Drilon, naririnig ko kay Risa Hontiveros, bastusan,” saad niya.
Diin ni Gordon, bibihira lang daw na marinig ang mga naturang salita sa mga senador ngunit napipilitan na ang iba.
“You know, you hard to say that on the Senate pero napipilitan ‘yong mga dating senador na sabihing bastusan na,” ‘ika niya.
Pagkukuwento ni Gordon, malalaman daw ng publiko na nagsimula ang lahat ng kaguluhan sa Senado noong Mayo 11 nang sumampa ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sa petsa ring ito muling nagpakita sa publiko at dumalo sa sesyon ng Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang humigit-kumulang anim na buwan noong Nobyembre 2025 nang pumutok pa lang ang bali-balitang may arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa naturang senador.
Pagkatapos tangkaing silbihan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dela Rosa, nagawa nitong takbuhan ang mga opisyal hanggang sa makapasok siya sa sesyon ng Senado.
Ani pa Gordon, noon din daw panahong iyon naganap ang kudeta o palitan ng liderato matapos makakuha ng 13 na boto si Sen. Alan Peter Cayetano at palitan niya sa puwesto si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Gabi noong Mayo 13, ginulantang ang publiko ng magkakasunod na putok ng baril sa Senado mula sa mga opisyal ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at NBI.
Madaling-araw noong Mayo 14, matagumpay na nakatakas sa mga awtoridad si Dela Rosa kung saan ayon sa imbestigasyon ng pulisya, mga bandang 2:30 ng madaling-araw pumunta ang naturang senador sa parking lot ng Senado at sumakay sa Fortuner na puti na siyang nakarehistro kay Sen. Robin Padilla.
Patutsada ni Gordon, tila planado na raw talaga ang mga naganap na kaguluhan sa Senado para makatakas si Dela Rosa at maudlot umano ang impeachment case ni VP Sara hanggang sa masira na nang masira ang sitwasyon sa mataas na kapulungan.
“Ni hindi sila nag-report sa buong Maynila, sa lahat, sa buong kapulisan na nakatakas [si Dela Rosa] at abangan ninyo, aalis siya dito… Sa makatuwid, talagang plinano nila pati ‘yong hindi pagre-report, pati ‘yong panggugulo… at ang nangyari talagang nasira na nang nasira ang situation sa Senado,” pagtatapos ni Gordon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!