ILANG araw bago mag-Pasko, nanawagan ang Food and Drug Administration sa mga consumer na maging maingat at alisto sa pagbili ng mga pagkain para sa Noche Buena, mga laruan, at scosmetic products.

“Consumers might fall victim to unscrupulous operators selling unsafe, compromised, improperly handled and stored, and misbranded food, toys and cosmetic products,” saad sa Advisory 2017-324 ng Food and Drug Administration.

Binalaan niya ang mga mamimili laban sa pagbili mula sa “shady places” dahil magiging mapanganib sa kalusugan ang mga sangkap ng pagkain, laruan at cosmetics na hindi rehistrado sa ahensiya.

“Buy products from reputable sources/retailers,” anito, at sinabing kapag namimili ng pagkain, dapat na suriin ng mga mamimili kung ang mga produktong kanilang binili ay nasa “hygienic conditions”.

Dapat na itago ang frozen products sa refrigerator. Ang lugar kung saan binili ang mga ito ay dapat na walang mga insekto, gaya ng daga at ipis.

Gayundin, kailangang suriin ng mga mamimili ang pakete ng produkto at siguraduhin na hindi ito dinaya, ayon sa Food and Drug Administration.

Halimbawa, ang mga label ay dapat na maayos na nakatatak, ang expiry date ay dapat na orihinal at bagong stock, at ang impormasyon sa pakete ay hindi dapat mukhang nabubura na. “Deficiencies in labeling information and presence of tampering should serve as a warning to consumers,” saad nito.

Sinabi rin ng ahensiya na ang mga de-latang pagkain ay hindi dapat na pitpit, kinakalawang, o nakalobo, habang ang mga produktong may malalambot na pakete, gaya ng plastic, foil, at mga aluminum na pambalot, ay dapat na walang sira.

Ang mga metal na botelya naman ay hindi dapat kinakalawang at ang mga botelyang babasagin ay wala dapat lamat.

Pinayuhin din ng ahensiya ang mga consumer na suriin ang label para sa allergens.

“For food, be sure to read the ingredient list to check if you are allergic to one or more of the ingredients,” ayon sa Food and Drug Administration.

Hinihikayat din ang publiko na iulat ang mga mamamataang paglabag sa Food and Drug Administration sa e-Report (http.//www.fda.gov.ph/report), o mag-email sa [email protected] o [email protected].