Ni Ric Valmonte

“SANA ay natanganan at napamahalaan sa paraang makademokratiko at nakalahok ang lahat kung nagkaroon ng sapat na oras ang mga senador na makapagtanong,” wika ni Sen. Riza Hontiveros. Tutal, aniya, ang Blue Ribbon Committee ay collegial body naman. Ang tinutukoy niya ay ang pamamaraan ng pagdinig na naganap kamakailan ukol sa bakuna ng Dengvaxia. Kaya raw siya nahirapan magtanong dahil sa kakulangan ng “latitude at flexibility.”

“Sana ganap na makapatanong ako sa susunod na pagdinig,” sabi naman ni Sen. Francis Pangilinan.

Sina Sen. Hontiveros at Pangilinan ay miyembro ng Blue Ribbon Committee at Heath Committee na magkasamang dumidinig ng kontrobersiyal na Dengvaxia. Bagamat kasama ni Sen. Richard Gordon, bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee, si Sen. J.V. Ejercito, ng Committee on Health, si Sen. Gordon ang halos nakita at narinig na namatnugot ng mga pagdinig. One-man show, ika nga. Kaya, ganoon na lang ang reklamo nina Sen. Hontiveros at Pangilinan at ang pag-asang sa mga susunod na pagdinig ay magkaroon naman sila ng pagkakataon at laya na makapagtanong sa mga inimbitahang resource person ng dalawang komite.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Bagamat halos nasa sideline lamang si Sen. Ejercito, gayong Chairman siya ng Committee on Helath, hindi siya makapagreklamo sa ginawa ni Sen. Gordon na sinarili ang imbestigasyon na parang ang kanyang komite lamang ang nag-iimbestiga. Marahail isinaalang-alang din niya na isa siya sa naglagay kay Gordon bilang Chairman ng nasabaing komite. Kasi nang si Sen. Leila Delima ang namuno ng komite, pinatalsik nila ito dahil hindi nila nagustuhan ang kanyang pamamaraan ng pag-iimbestiga sa isyu ng extrajudicial killing. Ayaw na nilang marinig pa ang inihilera ni Delima na mga resource person na nagdidiin kay Pangulong Digong sa pagkakasangkot nito sa extrajudicial killing.

Kaya, pagkaupo ni Gordon na chairman ng Blue Ribbon Committee, hindi na niya pinagsalita ang mga resource person na kasama ng mga taga-Commission on Human Rights (CHR). Pinulaan pa niya na balewala ang ibinigay na testimonya ni Matobato na itinuro si Pangulong Digong na responsable sa mga ilang pagpatay sa Davao City noong siya pa ang alkalde rito.

Ang problema kay Sen. Gordon, kung hindi pinagsalita ang mga resource person at mga taga CHR sa pagdinig ng extrajudicial killing laban sa Pangulo, pinagsalita naman niya ang hindi resource person sa pagdinig ng Dengvaxia.

Nabahala si Sen. Franklin Drilon na hinayaang maghayag sa pagdinig ang hindi naman resource person. Kasi, pinahintulutan ni Gordon si Atty. Ferdinand Topacio, kinatawan ng Volunteers Against Crime and Courruption, na basahin ang inihanda niyang pahayag na inaakusahan si dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Secretary of Health Jeanette Garin ng plunder kaugnay ng P3.5 billion dengue immunization program. “Hindi karapat-dapat ito,” sabi ni Sen. Hontiveros, “na ang hindi naman resource person ay payagan batikusin ang ilang personalidad at hilingin sa komite na mangalap ng ebidensiya para suportahan ang walang namang batayan niyang akusasyon.” Ginawa ni Gordon ang Senado na Department of Justice at House Committee on Justice na dumidinig ng impeachment laban kay CJ Sereno.