Ni Celo Lagmay
HINDI ko ikinagulat ang mistulang pagtuligsa ni Sandra Cam sa isang Christmas party na itinaguyod ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan. Kahit sabihin pa na ang pagbatikos sa naturang kasayahan ay wala sa lugar sapagkat siya ay bahagi rin ng naturang tanggapan bilang bagong miyembro ng Board of Directors.
Hindi dapat ipagtaka ang gayong nakagawiang pagpuna ni Cam sa sistema ng pamamahala sa gobyerno at sa lipunan. Hindi ko siya kabagang, wika nga. Kahit paminsan-minsan lang ang aming pagkikita sa mga media forum, naniniwala ako na wala siyang pinalalampas na mga alingasngas na kailangang malantad sa sambayanan. Bilang Pangulo ng Whistle Blowers Group, kung hindi ako nagkakamali, dapat lamang asahan ang kanyang walang kinikilingang pagtuligsa sa baluktot na pamamahala.
Naniniwala ako na hindi maituturing na katiwalian ang itinaguyod na pagtitipon ng PCSO. Manapa, ito ay naglalayong paligayahin, hindi lamang ang naturang tanggapan, kundi halos lahat ng sektor na nangangailangan ng atensiyon at ayuda.
Saksi ako sa gayong makatao at makabayang misyon ng PCSO. Halos lahat ng sektor ng sambayanan ay nakararamdam ng pagkakawanggawa ng nasabing ahensiya. Dito idinudulog ang karaingan ng taumbayan, lalo na ang mga karamdaman; kabilang na ang pangangailangan ng mga ospital, paaralan at maging ng iba pang ahensiya ng gobyerno na gahol sa pananalapi.
Hindi miminsan, halimbawa, bilang naging Pangulo ng National Press Club (NPC), na ako ay dumulog sa PCSO sa kapakanan ng ating mga kapatid sa pamamahayag na dinadapuan ng mga karamdaman, kabilang na ang kanilang pamilya. Hindi ko matiyak kung ang ganitong makataong misyon ay magagawa pa natin sa kasalukuyang administrasyon.
Gayunman, hindi ko rin naman maaaring palampasin ang pagkakataon na ipahayag ang aking pagkadismaya sa wala-sa-panahong pagtaguyod ng gayong kasayahan, lalo na nga kung isasaalang-alang na matindi pa ang pagdadalamhati ng ating mga kababayan sa Bicol at Visayas na sinalanta ng ‘Urduja’. Isipin na lamang na umaabot na sa mahigit 40 ang namamatay at milyun-milyong pisong halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa naturang kalamidad.
Maipahahayag natin ang ating pakikiramay sa nasabing mga calamity victims sa pagpapaliban ng gayong maluhong pagtitipon at sa halip ay damayan ang ating mga kababayan; tulad ng nakagawian ng ibang sektor na may pusong dakila at tunay na mapagkawanggawa.