Ni Anna Liza Villas-Alavaren
Anim na katao, kabilang ang TV reporter na si Doris Bigornia, ang nasugatan sa karambola ng anim na sasakyan sa Shaw Boulevard underpass sa EDSA kahapon ng hapon.
Nagtamo ng bahagyang sugat sa ulo si Bigornia, TV reporter ng ABS-CBN, at isa sa kanyang news crew na si Marco Gutierrez, at kaagad na isinugod sa Medical City sa Pasig City.
Lulan sila sa kanilang media vehicle nang mangyari ang aksidente dakong 1:45 ng hapon sa EDSA corner Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Bukod kina Bigornia at Gutierrez ay apat pa ang nasugatan sa aksidente, na kinasangkutan din ng dalawang Mitsubishi Montero Sports, isang Toyota Vios, isang Mitsubishi Mirage, at isang motorsiklo.
Inihayag ni Bong Nebrija, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) operations supervisor, na patungo si Bigornia at kanyang crew sa clearing operation ng ahensiya sa Cubao, Quezon City nang maaksidente.
Nagdulot naman ng ilang oras na matinding traffic sa EDSA ang insidente.