Kalaboso ang isang lalaki nang manggulo sa harapan ng isang simbahan habang idinadaos ang Simbang Gabi sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nasa kustodiya na ng Calabash Police Community Precinct (PCP), na sakop ng Manila Police District (MPD)-Station 4, si Mark Vincent Jarasa, 18, ng Gerardo Street, Sampaloc, dahil sa paglabag sa Revised Ordinance 844 (Breach of Peace) at direct assault.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, nabatid na dakong 5:40 ng umaga kahapon nang arestuhin ng mga awtoridad si Jarasa nang umano’y manggulo at magsisigaw at hamunin pa ng away ang mga pulis, habang nagmimisa sa Holy Trinity Parish Church sa panulukan ng Calabash Road at Sta. Santisima Street.

Ayon kay PO1 Roldan Buena, namataan nila ang suspek na nagsisigaw sa lugar matapos na pigilan ng mga security officer na makapasok sa simbahan para dumalo sa misa.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Mga pu**** ina, bakit ayaw n’yo akong papasukin?!” hiyaw pa umano ng suspek.

Tinangka umanong payapain ng mga pulis ang suspek, pero sa halip na sumunod ay ang mga pulis naman ang hinarap nito.

“Mga pu**** ina n’yo, pulis lang kayo. Hubarin n’yo baril n’yo, suntukan tayo,” hamon pa ng suspek.

Dahil dito, napilitan na ang mga pulis na gamitan ng puwersa ang suspek at binitbit patungo sa presinto. - Mary Ann Santiago