Ni Mary Ann Santiago

Pinaalalahanan kahapon ng Department of Health (DoH) ang publiko na ingatan ang kanilang kalusugan dahil sa paglamig ng panahon bunsod ng papalapit na Pasko, na sinabayan pa ng pananalasa ng bagyong 'Urduja' sa bansa.

Ayon sa DoH, partikular na dapat mag-ingat at umiwas sa mga sakit na karaniwan na nakukuha tuwing taglamig, gaya ng trangkaso, sipon, hika at iba pa.

Pinayuhan pa ng DoH ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay at huwag nang dumalo sa holiday parties kung masama ang pakiramdam upang hindi makahawa sa iba, at sa halip ay magpahinga na lamang upang bumilis ang paggaling.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sakali naman umanong dadalo sa mga handaan at mga Christmas party, mag-ingat din sa pagpili ng mga kakainin, at umiwas sa mga pagkaing matataba at sobrang maalat para pangalagaan ang kalusugan.

Ang paalala ay ginawa ng DoH matapos ang unti-unti nang paglamig ng panahon.

Ayon sa PAGASA, nakapagtala ang Baguio City ng 11.5 degrees Celsius nitong weekend, ang pinakamababang naitala simula nang pumasok sa bansa ang hanging amihan.

Sa Metro Manila, na karaniwang mainit ang panahon, ay nakapagtala naman ng temperaturang 21 degrees Celsius, habang 16.5 degrees Celsius naman sa Tanay, Rizal.