Apat na lalaki ang nasugatan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naglalaro ng cara y cruz sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Kritikal sa ospital si Reggie Galace, pedicab driver, at taga-Gerona Street, Tondo, bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang isinugod din sa pagamutan ang tatlo pa niyang kalaro ng cara y cruz na sina Ariane Isidro, pedicab driver, na may tama sa tiyan; Virgilio dela Peña, na nabaril sa tagilirian;at si Emiquel Borromeo, na sugatan rin.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 12:14 ng umaga kahapon nang mangyari ang krimen sa Gerona Street sa Tondo, na sakop ng Barangay 83.
Nagsusugal umano ang mga biktima nang biglang dumating ang dalawang hindi nakilalang suspek na magkaangkas sa motorsiklo at kaagad silang pinagbabaril, bago tumakas.
Ayon kay Barangay Kagawad Rico Secretario, natutulog na sila nang magising sa mga putok ng baril, na noong una ay inakala pa nilang kalabog lamang sa kanilang gate, ngunit nang sila’y lumabas ay nakita nila ang mga sugatang biktima.
Blangko naman ang mga awtoridad sa motibo ng tangkang pagpatay, dahil ayon sa mga residente ay mababait naman ang mga biktima, walang bisyo at wala rin umanong kaaway. - Mary Ann Santiago