Itatalaga sa pitong himpilan ng pulisya sa katimugang bahagi ng Metro Manila ang 200 pulis na sinibak sa Caloocan City Police matapos sumailalim sa re-training ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Kinumpirma kahapon ni Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. na nag-report na sa kanyang tanggapan ang 200 pulis-Caloocan.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang direktiba sa pormal na pagtatalaga sa nasabing mga pulis sa pitong himpilan ng pulisya sa SPD, kabilang ang sa Makati City, Pasay City, Las Piñas City, Parañaque City, Muntinlupa City, Taguig City, at Pateros.

Nabatid na sumailalim muli sa dalawang-buwang pagsasanay ang mga pulis-Caloocan noong Oktubre kasunod ng pagkakasibak ng mga ito sa puwesto matapos masangkot ang ilang kabaro sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos noong Agosto 16.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Mga pulis rin ang sinisisi sa pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz, 19, noong Agosto 18, at isang insidente ng panloloob sa bahay ng isang negosyante sa Caloocan City.

Batay sa datos ng NCRPO, umabot sa 1,143 pulis-Caloocan ang sumailalim sa re-training alinsunod sa mahigpit na kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa.

Sinabi rin ni Apolinario na hindi na makababalik sa Caloocan City Police ang naturang 200 operatiba. - Bella Gamotea