Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Nais ni Pangulong Duterte na italaga si 2009 CNN Hero of the Year Efren Peñaflorida bilang isa sa mga bagong komisyuner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).

Efren Penaflorida copy

Ito ay makaraang sibakin ni Duterte ang limang komisyuner ng PCUP dahil hindi nakatutupad bilang collegial body, at dahil sa pagsasagawa ng mga hindi kinakailangang pagtitipon o kasiyahan at pagbibiyahe.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inihayag ito ni Pangulong Duterte sa Christmas Party para sa Davao media nitong Biyernes ng gabi.

Sinabi ni Roque na ipinag-utos na ng Pangulo kay Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go na hanapin ang CNN Hero.

“He [The President] said he wants to appoint ‘yung galing sa hirap... ‘yung teacher na may kariton na CNN awardee. He asked SAP to look for him,” pagkukumpirma ni Roque sa Balita.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa sumasagot si Peñaflorida sa alok ng Pangulo.

Nilikha ang PCUP, sa bisa ng executive order noong 1986, bilang “direct link” ng gobyerno sa mahihirap sa lungsod at tulong sa paglikha ng mga polisiya na makatutulong upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Si Peñaflorida ay isang Filipino teacher at development worker na lumaki sa squatter’s area sa lungsod ng Cavite.

Nagtuturo siya sa kabataan sa iba’t ibang lugar, gaya ng sementeryo at tambakan ng basura, sa pamamagitan ng kanyang Kariton Klasrum program, na sinimulan niya at ng kanyang grupong Dynamic Teen Company (DTC) volunteers noong 2007.

Noong 2009, kinilala ng international news organization CNN si Peñaflorida bilang CNN Hero of the Year. Tinalo niya ang siyam pang ibang katunggali mula sa iba’t ibang bansa.

Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni Peñaflorida na ang mundo ay puno ng mga bayani sa iba’t ibang anyo at ang lahat ay bayani at maaaring maging bayani sa ibang tao.

Sa parehong taon, ginawaran ni noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Peñaflorida ng Order of Lakandula.

Bukod kay Peñaflorida, inihayag din ni Duterte na nais niyang italaga sa PCUP ang limang magsasaka mula sa Davao City, dahil sa kanilang simpleng pamumuhay, pagiging produktibo, at dahil hindi nila kinakailangan na magpunta ng ibang bansa para sa hindi mahahalagang bagay.

Nitong nakaraang linggo, sinibak ni Duterte ang mga pangunahing opisyal ng PCUP, kabilang si Chairperson Terry Ridon, dahil sa umano’y hindi nito naabot ang kinakailangan bilang collegial body at dahil nagsasagawa umano ng “unnecessary junkets.”