Ni FER TABOY

Tatlong pulis ang nasawi at tatlo pang kasamahan nila ang nasugatan makaraang salpukin ng 10-wheeler truck ang kanilang patrol car sa Iguig, Cagayan, nitong Biyernes ng gabi.

Sa imbestigasyon ni PO2 Anthony Pamittan, ng Iguig Municipal Police, kinilala ang mga nasawing sina PO1 Benjie Kate Pursen, isang PO1 Basiad, at isang PO1 Galario, na pawang taga-Apayao.

Sugatan naman sina PO1 Charlo Kiat-ong, PO1 Junrie Balong-angay, at PO1 Venie Balangue.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ayon kay Pamittan, nabatid sa imbestigasyon na pauwi na ang mga pulis nang mag-overtake ang sinasakyan nilang police mobile sa sinusundang kotse hanggang sa sumalpok sila sa kasalubong na 10-wheeler truck na patungong Tuguegarao City.

Galing umano ang mga pulis sa isang ospital sa Tuguegarao para isailalim sa CT scan ang isa nilang kasamahan nang mangyari ang aksidente.

Naisugod pa sa ospital ang mga pulis, subalit makalipas ang ilang minuto ay binawian din ng buhay ang tatlo sa kanila.

Samantala, tatlo pang katao ang nasawi sa hiwalay na aksidente sa Bantay, Ilocos Sur nang maatrasan ng truck ang isang kotse, bandang 3:00 ng umaga kahapon.

Sa imbestigasyon ng Bantay Municipal Police, nasawi sina Antonio Pamo, driver ng Nissan Sentra; Jaymar Pamo; at Rudolph Valentino Sistoza, pawang taga-Barangay Arnap, San Ildefonso, Ilocos Sur, habang kritikal naman ang lagay ni Wilson Domenden.

Naaresto na ng pulisya ang suspek na si Marlon Brando Nieto, driver ng Isuzu Forward truck, ng Bgy. Guerrero, Dingras, Ilocos Norte,

Batay sa police report, paatras umanong minamaneho ni Nieto ang truck nang mabangga ang Sentra sa Bgy. Guimod sa Bantay.

Kakasuhan si Nieto ng reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injuries.