Ni Marivic Awitan

MULA sa pagiging playing assistant coach sa kasaysayan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) , nakatakdang maging pinakabatang head coach sa PBA Developmental League si Gio Nicolo Lasquety.

Pagkaraang italaga ng kanyang head coach na si Vergel Meneses bilang isa sa kanyang deputy sa Jose Rizal University Heavy Bombers campaign sa nakaraang NCAA Season 93 men’s basketball tournament, ngayon naman ay mauupo si Lasquety bilang head coach ng JRU sa darating na 2018 PBA D League Aspirants Cup na magsisimula sa Enero 18.

“Si Gio ang magku-coach sa JRU sa D league, “ pahayag ni Meneses sa isang get together nitong Miyerkules ng gabi sa Mandaluyong City.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Sa kanyang pagbabalita, kitang -kita sa dating PBA Aerial Voyager ang malaking tiwala sa kakayahan ng dating Heavy Bombers guard na nagtapos ang playing years sa NCAA ngayong taon.

“Magaling, magaling si Gio. Marunong siya at nakikita niya kung ano ang dapat gawin.Kaya nyang basahin at gumawa ng play sa isang sitwasyon, “ ani Meneses.

Sa kanyang nakikitang potensyal sa 23-anyos na si Lasquety, hangad niya na masanay itong mabuti at mabigyan ng kaukulang break kung kaya ipinauubaya niya dito ang paggabay sa koponan sa nakatakda nilang stint sa D League.

Hindi rin, itinanggi ni Meneses ang kagustuhang mahasa si Lasquety para syang magmana ng kanyang posisyon sakaling magdesisyon na siyang magretiro.

“Why not di ba? Hindi naman habangbuhay na akong magku coach dito sa JRU. Gusto ko na ring magpahinga para maiukol naman yung time ko sa mga anak ko,” pahayag ni Meneses.