Ni Bella Gamotea
Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nang-umit ng ilang Noche Buena product sa isang supermarket sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Michael Manalo, 42, ng Sgt. Mariano Street ng nasabing lungsod.
Sa pahayag sa Pasay City Police ni Ruben Jay Caduyac, 22, shift leader ng Alfa Mart, pumasok si Manalo sa kanilang tindahan at lumabas na punumpuno ng paninda ang backpack nito ngunit walang maipakitang resibo, dakong 7:00 ng gabi.
Kabilang sa mga ninakaw ng suspek ang ilang piraso ng corned beef, gatas, hotdog at iba pa na aabot sa P2,000 ang kabuuang halaga.
Agad idiniretso sa pulisya ang suspek at kinasuhan ng theft.