Ni Ric Valmonte
“HINDI naman tatamaan nang matindi ang mga mahirap. Marami sa mahirap ay hindi naman nagbabayad ng buwis. Marami sa kanila ay maaaring tamaan ng pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang produkto, pero hindi sila diretsuhang maaapektuhan,” pagdepensa ni Speaker Pantaleon Alvarez sa ipinasa nilang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill. Sa panukalang ito na niratipikahan na ng bicameral committee ng Kamara at Senado, mga karagdagang buwis ang ipinataw sa coal at mga produktong petrolyo, kotse, tabako, pagkain at serbisyo.
Siyete pesos kada litro ang idinagdag na buwis sa unleaded at premium gasoline sa 2018, P9 bawat litro sa 2019, at P10 bawat litro mula 2020. Para sa 2018, P3 sa kerosene; P2.50 sa diesel; at P1 sa liquefied petroleum gas; P8 sa refined fuel; at P250 sa bunker oil. Sa beverages na gumagamit ng calorie o non-calorie sweeteners, P6 buwis ang ipinataw kada litro at P12 bawat litro sa inuming gumagamit ng high fructose corn syrup. Sa tabako naman, P32.50 per pack epektibo simula Enero 1, 2018 hanggang Hunyo 30, 2018 na tataas sa P35 epektibo Hulyo 1, 2018 hanggang Disyembre 31, 2019; P40 sa susunod na 24 na buwan at pagkatapos karagdagang 4 na porsiyento bawat taon. Pinatawan din ng buwis ang cosmetic procedure, iyong pangretoke sa katawan ng tao.
Excise tax ang uri ng buwis na ipinataw sa mga nasabing produkto at serbisyo at maging sa coal, mining at mga ibinebentang sasakyan. Ang buwis na sinabi ni Speaker Alvarez na hindi makaaapekto sa mahihirap dahil hindi naman sila nagbabayad nito ay ang direct tax tulad ng income at property tax. Pero, hindi totoo na hindi apektado ang mahihirap ng buwis sa ilalim ng TRAIN. Matindi ang epekto nito sa kanila. Kasi, ang excise tax, na isang klase ng indirect tax, dahil nakapatong sa mga bilihin at serbisyo, ay magiging bahagi ng presyo ng mga ito. Hindi maiiwasan ito ng kahit sino. Kapag bumili ka ng produkto o serbisyo, nagbayad ka na ng buwis.
Ang ginagawa ng mga manufacturer ay ipinapasa nila ang binabayaran nilang buwis sa kanilang mga binebentahan.
Ipinapatong nila ito sa presyo ng kanilang produkto at serbisyo. Ang gagawin naman ng mga iba, tulad ng mga propesyonal, ay ipapasa ito sa kanilang mga kliyente o pasyente. Mamahalan nila ang singil para sa kanilang serbisyo.
Ang matinding tatamaan ng TRAIN ay ang mga consumer na walang pagpapasahan ng buwis nito na lumubo na sa anyo ng presyo ng bilihin at serbisyo. Lulubha ang kalagayaan ng mga dukha. Maitanong ko lang: Iyong bang pagpapalawig ng martial law at bantang pagkalat nito sa buong bansa ay panagot sa titinding kahirapan upang supilin ang mga magrereklamong magugutom na mamamayan?