Nina HANNAH L. TORREGOZA at LEONEL M. ABASOLA, at ulat ni Mary Ann Santiago

Humarap kahapon si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagdinig ng Senado at ipinagtanggol ang pasya ng kanyang administrasyon na aprubahan ang pagbili ng P3.5-bilyon halaga ng bakuna kontra dengue.

Ayon kay Aquino, walang tumutol sa programa ng gobyerno sa pagbabakuna kontra dengue bago, habang inaaprubahan, at matapos na aprubahan ang pagbili ng Dengvaxia.

Wala rin umanong malisya sa panig ng pamahalaan ang desisyon nitong maglunsad ng programa sa pagbabakuna sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon, na ayon kay Senator Richard Gordon ay tatlong rehiyon na may pinakamalalaking voting population.

National

4.4-magnitude na lindol, tumama sa Davao de Oro

Una nang sinabi ni Gordon na ang pagbabakuna ng Dengvaxia sa mahigit 700,000 batang mag-aaral sa mga nabanggit na rehiyon ay may bahid pulitika dahil ginawa ito sa kasagsagan ng kampanya para sa May 2016 elections.

WALANG PAGTUTOL

“Diin ko lang po: Bago nagdesisyon ang gobyerno sa Dengvaxia, habang nagdedesisyon, pagkatapos magdesisyon at hanggang sa ngayon, walang nagparating sa akin ng pagtutol sa bakuna,” sinabi ni Aquino sa Senate Blue Ribbon committee at sa Senate committee on health and demography.

“Kaya natin inilunsad ito sa NCR (National Capital Region), Calabarzon at Central Luzon, dahil ayon sa datos ng DoH (Department of Health), ito po ang tatlong pinakaapektadong mga rehiyon nung 2015 kaugnay ng dengue,” dagdag pa ng dating Pangulo.

“Sa lahat po ng usapin ngayon ukol sa Dengvaxia, kung ‘di man diretsong sinasabi, ang pakiwari ay kung nagbabakuna ka, ‘tila nalalapit ka sa pinakamalubhang uri ng dengue. ‘Tila nalalapit ka sa kamatayan,” ani Aquino. “Noong kami po ang namamahala, malinaw sa amin, kung tatakutin mo nang husto ang tao, darating ang punto na hindi na sila makakakilos dahil sa kaba. Klaro po sa amin noon na trabaho ng gobyerno na pakalmahin at suportahan ang Pilipino.”

Dumalo rin sa pagdinig sina dating Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. at dating Budget Secretary Florencio “Butch” Abad.

SA REKOMENDASYON NI ONA

Sinabi rin ni Aquino na hindi dapat na sisihin ang kanyang administrasyon sa paglulunsad ng programa kontra dengue, dahil inaksiyunan lamang niya ang rekomendasyon ni dating Health Secretary Enrique Ona na kailangang tugunan ang mabilis na pagdami ng kaso ng dengue sa bansa.

Ayon sa dating Pangulo, tinukoy sa memorandum na ipinadala sa kanyang opisina noong Agosto 23, 2010, ang limang rehiyon na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng dengue at dalawa sa mga ito ang may mahigit 100 porsiyentong pagtaas.

“Kaya naghanda tayo sa worst case scenario: sa 2.8 million na kataong na-dengue, i-multiply mo sa 20,800, ang buong gastos: P58.2 billion,” paliwanag ni Aquino.

Ayon kay Aquino, nagtungo siya sa Paris para sa Climate Change Conference noong Disyembre 2015 at tinalakay nila ang isyu ng dengue hanggang maipaalam sa kanila na may bakuna kontra dengue na ang Sanofi Pasteur, ang kauna-unahan sa mundo.

“Ang intindi natin sa Dengvaxia, natapos na ang local at international processes nito. Tiningnan namin ang US FDA.

May five steps ito: Discovery and Development, Preclinical Research, Clinical Research, FDA Review at Post-Market Safety Monitoring,” paliwanag ni Aquino. “Paliwanag sa akin, US FDA ang nagre-regulate sa international clinical trials. Dahil dumaan sa ganitong mga proseso, ang alam natin, safe na ang Dengvaxia para sa tao.”

“Diin ko na rin po, hindi lang Pilipinas ang nag-apruba ng Dengvaxia. Nauna sa atin ang Mexico at Brazil,” dagdag pa ng dating Pangulo.

OVERPRICED

Samantala, iimbestigahan ng DoH ang katotohanan sa likod ng balitang overpriced umano ang pagbili ng kagawaran sa bakuna, makaraang mabunyag sa congressional inquiry na binili ng tig-P1,000 ang bawat vial ng Dengvaxia, sa halip na P600 lamang.

Aminado si Health Secretary Francisco Duque III na maging siya ay labis na nagulat sa pagsisiwalat ng House committee on good government and public accountability, na inirekomenda na ibenta ang Dengvaxia ng $21 o katumbas ng P1,000, sa halip na $13 o P600.