Ni Ric Valmonte

SA pinagsamang sesyon ng Senado at ng Kamara nitong Miyerkules kung saan tinalakay ng mga mambabatas ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon, mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2018, ang martial law sa buong Mindanao, humarap ang ilang Cabinet members at security officials upang ipaliwanag ang kahilingang ito ng Pangulo.

Bago magbotohan, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na, “Hindi namin hinihingi ang unlimited martial law. Ang idinudulog namin ay ang unlimited peace.” Sa paliwanag na ito ni Medialdea, ang martial law ang magbibigay ng walang hanggang kapayapaan sa bansa. Dahil pinagbigyan ng mga mambabatas ang kahilingan ng Pangulo, sa botong 240-27, naniwala sila kay Medialdea o kaya, naniwala sila na problemang militar ang kaguluhan, kaya militar din ang solusyon. Sa mukha ng mga ito, tahasang sasabihin ng kasaysayan na napakatigas ng kanilang ulo at hindi na sila natuto sa nakaraan.

Ang rebelyon o kaguluhan ay socio-economic problem. Kagutuman at kahirapan ang puno’t dulo nito. Lulubha ito kapag ginamitan mo ng karahasan sapagkat magbubunga pa ito ng kaapihan at kawalan ng katarungan. Itutulak mo lang ang mamamayan na mag-armas at mag-alsa lalo na kung sila ay nakalugmok sa kahirapan, samantalang ang mga taong pinagkalooban nila ng kanilang kapangyarihan, tulad ng mga mambabatas at taong gobyerno, ay nakikita nilang nakahilata sa karangyaan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ginamit na dahilan ng Pangulo sa kahilingan niyang pagpapalawig ng martial law ay ang aktibong pagkuha ng mga miyembro mula sa kabataang Muslim ang mga natira sa nagaping grupo sa Marawi. Binanggit niya sa unang pagkakataon ang 48 taon nang paghihimagsik ng komunista. Ayon kay Medialdea, sa gitna ng karahasan sa Marawi, sinamantala ng New People’s Army ang sitwasyon para patindihin ang ilang dekada na nilang rebelyon. Binanggit din niya ang mga karahasang umano’y kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf. Ano kaya ang akala ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado, na mananahimik na lang ang kanilang mga nasagasaan sa Marawi? Totoo, napatay nila ang akala nila ay kalaban ng bayan, paano iyong mga napahamak at nadisgrasya ng mga walang patumanggang pagbobomba sa kinagisnan nilang tahanan gayong wala naman silang kinalaman o kaugnayan sa mga ito? Sa pinulbos at naabong lugar, malaking pagkakamali ang umasang walang susulpot na mga tao, lalo na iyong mga bata at maalam sa nangyari, na nag-aalab ang dibdib sa poot sa nangyari sa kanilang kaapihan.

Sa totoo lang, ang nagpaparami ng mga lumalaban sa gobyerno ay... ang mga taong gobyerno mismo. Ipinagkatiwala sa kanila ng taumbayan ang kapangyarihan na patakbuhin ang gobyerno para sa kapakanan ng lahat, ngunit ginamit nila ito para sa kanilang kapakanan. Hindi nila inaasahan na papatayin sila ng kanilang gobyerno dahil sa droga na siya namang iniyayaman ng iilan gamit mismo ang kapangyarihan ng gobyerno. Tingnan ninyo ang uri ng mga rebelde, mga mag-aaral at student leader. Alam kasi nila ang pinakaugat ng problema ng bayan, ang kahirapan at kagutuman ng nakararami at kaganiran at makasarili ng iilan. Ang paghihimagsik ang dahilan sa kaapihang ito ng mga nakakaalam ng suliranin ng bansa ang hindi mapipigil ng martial law. Mapatay mo man sila, marami pang sisibol sa lugar na kanilang binagsakan.