Ni Bella Gamotea

Pinaalalahanan kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante sa bansa na sumunod sa itinakdang suggested retail prices (SRPs) ng mga produkto sa merkado, lalo na ngayong Christmas season.

Ayon kay DTI Undersecretary Teodore Pascua, nakapaloob na sa SRPs ng paninda ang kita ng mga negosyante.

Nilinaw niya na naiintindihan ng kagawaran na mas mataas ang SRP ng mga produkto sa convenience stores dahil 24-oras ang operasyon ng mga nasabing establisimyento.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Ayon sa DTI, nananatiling matatag o stable ang presyo at sapat ang supply ng Noche Buena products sa mga pamilihan sa bansa habang nalalapit ang Pasko.

Nagbanta ang DTI na padadalhan ng show cause order o pagpapaliwanagin ang mga may-ari ng tindahan o supermarket na mahuhuling lumabag sa SRP. 

Nitong Nobyembre, inilabas ng DTI ang SRPs ng Noche Buena items, at kabilang na rito ang keso, sa halagang P42.10-P588.50; creamer, P43-P69; fruit cocktail, P46.10-P214.25 (432grams-3.06kilograms); ham, P137-P949 (500g-5kg); keso de bola, P149.60-P459 (300g-750g); macaroni, P15.25-P93.45; mayonnaise, P28-P257.25; sandwich spread, P20-P196; spaghetti noodles, P20.60-P88 (200g-1kg); spaghetti sauce, P19.10-P83.30 (250g-1kg); at tomato sauce, P11.90-P75.90.

Panawagan ng DTI sa mga mamimili, isumbong sa DTI ang anumang iregularidad sa mga establisimyento at produktong paninda. Tumawag sa (02) 751-3330 o sa 0917-8343330.