Ni Erik Espina
“LOTENG”, ito ang tawag sa ilang outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na frente lang pala ng jueteng. Mula ito sa ikinasal na mga salitang “Lottery” at “Jueteng”. Andon na ako, marami na talagang natulungan itong ahensiya ng pamahalaan sa deka-dekadang naglakbay. Mula sa bilyun-bilyong pisong panawid para sa kapus-palad, hanggang sa pagmumodmod ng ambulansiya sa kanayunan para sa lokal na gobyerno.
Hindi matatawaran ang mahabang listahan ng kabutihang naidudulot ng PCSO. Sa panahon ni Manoling Morato, masasabi nating halos “sky’s the limit” sa tulong pinansiyal ang ipinagkakaloob sa may maseselang karamdaman. Wika ni Morato, “Bakit namin ipagdadamot ang pondo? Pera nila ito, para sa naghihikahos laan. Bakit pahihirapan sa maraming tingi-tingi, hindi naman mababangkarote ang PCSO, dahil araw-araw tuloy ang lottery.”
Nagugunita ko ang kapalpakan ng administrasyon ni ex-PNoy. And’yan ang ibinaba at ginawang P70,000 ang kadalasang binibitawang pera bilang tulong pinansiyal. Kailangan magpabalik-balik at pumila nang mahaba para lang mabuo ang perang kailangan para sa operasyon, gamot, atbp. Matagal ko nang itinutulak na tapatan ng PCSO ang outlet at kabo ng mga jueteng lords, swertres, last two at kung ano pang laro. Kung kailangan ibaba ang pusta at taasan ang panalo para lang magapi ang ilegal na laro, gawin ito. Sabay paghuhulihin ang mga nagbebenta o ipaturo sa kanila kung sino ang “mastermind”, sabay ikulong.
Marapat din na gawing kasosyo ang mga lokal na pamahaalan, at kung ilang bolahan ang nais nila, upang ang porsiyentong malilikom na salapi ay iaatas sa bagong batas sa Kongreso na ilalaan sa tukoy na mga layunin, halimbawa, pagtatayo ng ospital, pambili ng mga modernong gamit, karagdagang doktor, nurse, at espesyalista, libreng konsulta, at gamot. Taasan ang suweldo ng mga health workers. Kalakip nito ang mga pulis na bibigyan ng karagdagang benepisyo, tulad ng pagpapaaral sa mga anak, insurance, dagdag na pension, burial expenses atbp.
Totoong nakakaiyak ang estado ng mga ospital sa ating mga lalawigan, lalo sa mga munisipyo. Kung may gusaling ospital na maaaring ipagmalaki, kulang at kapus pa rin talaga sa kagamitan, doktor, dentista, nurse, kama, gamot atbp.
Mamatay ka na lang sa konsumisyon, lalo na kung ikaw ay “probinsiyano”.