Ni Beth Camia at Fer Taboy
Kinumpirma ni Pangulong Duterte na itatalaga niya si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang susunod na pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) kapag nagretiro na sa serbisyo ang huli sa susunod na buwan.
Ginawa ni Duterte ang kumpirmasyon sa ibinigay niyang Christmas party sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps nitong Martes ng gabi.
“I don’t run away from challenges, lalong-lalo na kung ‘yung nagbibigay ng challenge ay ‘yung taong pinakarespetado ko. Talagang hindi ko siya (Duterte) ipapahiya, I will take the challenge,” sinabi ni dela Rosa sa mga mamamahayag nitong Martes.
Inaasahang magreretiro si dela Rosa sa Enero 21, 2018, pagsapit nito sa edad na 56.
Kinumpirma rin ni Special Assistant to the President, Secretary Christoper “Bong” Go, ang pagtatalaga kay dela Rosa sa BuCor.
Kasalukuyang pinamumunuan ang BuCor ni retired police Chief Supt. Valfrie Tabian bilang officer-in-charge.